Book of Common Prayer
26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (A)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.” 28 Kaya sinabi nila, “Ano ang dapat naming gawin upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ito ang gawain ng Diyos, na kayo ay manampalataya sa kanyang isinugo.” 30 Kaya sinabi nila sa kanya, “Ano pong himala ang maipapakita ninyo sa amin upang maniwala kami sa iyo? Ano pong ginagawa ninyo? 31 (B)Ang mga ninuno namin ay kumain ng manna sa ilang; tulad ng nasusulat, ‘Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang makain.’ ” 32 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.” 34 Sinabi nila sa kanya, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na iyon.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw.
Mga Huling Tagubilin at Pagbati
12 Hinihiling namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga pinuno ninyong nagpapakahirap sa pamamahala at pangangaral sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng angkop na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa sa bawat isa. 14 Pinapakiusapan din namin kayo, mga kapatid, na paalalahanan ang mga tamad, palakasin ang mga mahihinang-loob, tulungan ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinuman ang naghihiganti sa gumawa sa inyo ng masama; sa halip, gawin ninyo ang para sa kabutihan ng bawat isa at ng lahat. 16 Magalak kayong lagi. 17 Lagi kayong manalangin. 18 Ipagpasalamat ninyo sa Diyos ang lahat ng pangyayari, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang alab ng Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti. 22 Layuan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.
23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ang siyang magpabanal sa lahat sa inyo. Nawa'y manatiling walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang inyong espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumatawag sa inyo, at gagawin niya ang mga ito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.