Book of Common Prayer
12 (A) Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang kanyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates, at natuyo ang tubig nito upang ihanda ang daan para sa mga hari mula sa silangan. 13 Pagkatapos, nakita kong lumalabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng halimaw, at mula sa bibig ng huwad na propeta ang tatlong maruruming espiritu na parang mga palaka. 14 Sapagkat ang mga ito'y mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga tanda. Pumupunta sila sa mga hari ng buong sanlibutan upang tipunin sila para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 15 “Tandaan (B) ninyo, dumarating ako na tulad ng isang magnanakaw! Pinagpala ang laging nakahanda at nakadamit, upang hindi siya lumakad nang hubad at mapahiya sa madla.” 16 At (C) tinipon ng mga espiritu ang mga hari sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.
17 At ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid, at mula sa templo ay lumabas ang isang malakas na tinig, mula sa trono, na nagsasabi, “Nangyari na!” 18 At (D) gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, at lumindol ng malakas, na hindi pa nangyayari buhat nang magkatao sa lupa. Napakalakas ng lindol na iyon. 19 Nahati (E) sa tatlo ang malaking lungsod, at ang mga lungsod ng mga bansa ay nagbagsakan. Ibinaling ng Diyos ang kanyang pansin sa tanyag na Babilonia, at pinasaid niya rito ang kopa ng alak ng kanyang matinding poot. 20 Tumakas (F) ang bawat pulo at naglaho ang mga bundok na matagpuan. 21 Mula (G) sa langit ay bumagsak sa mga tao ang malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos isandaang libra, at nilait nila ang Diyos dahil doon. Kasindak-sindak ang salot na iyon.
Talinghaga ng Butil ng Mustasa at ng Pampaalsa(A)
18 Sinabi niya, “Saan maihahalintulad ang paghahari ng Diyos at sa ano ko ito maihahambing? 19 Tulad ito ng isang butil ng mustasa na pagkakuha ng isang tao ay inihasik sa kanyang halamanan. Tumubo ito at naging puno at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit.”
20 At muli ay sinabi niya, “Sa ano ko maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? 21 Tulad ito ng pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa mapaalsa nito ang buong masa.”
Ang Makipot na Pintuan(B)
22 Nagturo si Jesus sa mga bayan at nayon habang naglalakbay patungong Jerusalem. 23 Minsan ay may nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” Kaya't sinabi niya sa kanila, 24 “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat, sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap pumasok doon ngunit hindi makapapasok. 25 Sa sandaling tumayo na ang panginoon ng bahay at naisara na ang pinto, magsisimula na kayong tumayo sa labas at tumuktok sa pintuan at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan po ninyo kami!’ Sasabihin niya sa inyo bilang sagot, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ 26 Kaya't sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasama ninyo at nagturo kayo sa aming mga lansangan.’ 27 Subalit sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Layuan ninyo ako, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28 Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, at Jacob at lahat ng mga propeta, habang kayo'y ipinagtatabuyan palabas. 29 May mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Makinig kayo: May mga huling mauuna at may mga unang mahuhuli.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.