Book of Common Prayer
Ang Pag-aani sa Lupa
14 Pagkatapos, (A) tumingin ako, naroon ang isang puting ulap, nakaupo sa ibabaw nito ang isang tulad ng anak ng tao na may koronang ginto sa kanyang ulo, at may hawak na isang matalas na karit! 15 Isa (B) pang anghel ang lumabas mula sa templo, sumisigaw nang malakas sa kanyang nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat ang oras ng paggapas ay dumating na at ang aanihin sa lupa ay handa nang anihin.” 16 Kaya iwinasiwas sa lupa ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapasan ang lupa.
17 Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo sa langit, may dala ring matalas na karit. 18 Pagkatapos ay isa pang anghel ang lumabas mula sa dambana, ang anghel na may kapangyarihan sa apoy. Nagsalita siya nang malakas sa anghel na may matalas na karit, “Gamitin mo ang iyong karit at anihin ang mga kumpol ng ubas sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito.” 19 Kaya iwinasiwas ng anghel ang kanyang karit sa lupa, tinipon ang mga aning ubas at inihagis ang mga ito sa malaking pisaan ng ubas na siyang poot ng Diyos. 20 At (C) pinisa ang mga ubas sa pisaan na nasa labas ng lungsod, at mula sa pisaan ay bumaha ang dugong umabot ang taas hanggang sa renda ng mga kabayo, at ang lawak ay halos tatlong daang kilometro.[a]
Ang mga Anghel na may Huling Salot
15 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang tanda sa langit, kapansin-pansin at kamangha-mangha: pitong anghel na may pitong salot. Ito ang mga huling salot, sapagkat sa mga ito matatapos ang poot ng Diyos. 2 At nakita ko ang isang tulad ng dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito. Sila'y nakatayo sa tabi ng dagat na kristal, at may hawak na mga alpa ng Diyos. 3 Umaawit (D) sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ng awit ng Kordero:
“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa,
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
O hari ng mga bansa,
ang mga paraan mo'y totoo at makatarungan,
4 (E) Panginoon, sinong hindi matatakot
at magpupuri sa iyong pangalan?
Sapagkat ikaw lamang ang banal.
Darating lahat ang mga bansa
at sila'y sasamba sa iyo,
sapagkat nahayag ang matutuwid mong kahatulan.”
5 Pagkatapos (F) nito'y tumingin ako, at nabuksan sa langit ang templo ng tolda ng patotoo. 6 At lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, na nakabihis ng dalisay at makinang na lino, at may mga gintong bigkis sa kanilang dibdib. 7 Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos, siya na nabubuhay magpakailanpaman. 8 Ang (G) templo ay napuno ng usok mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan, at walang makapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
Magsisi o Mamatay
13 Nang oras na iyon, dumating ang ilan at nagbalita kay Jesus na may mga taga-Galilea na ipinapatay ni Pilato habang nag-aalay sila sa Diyos. 2 At sinabi niya sa kanila, “Inaakala ba ninyong higit na makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila nang ganoon? 3 Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila. 4 Iyon namang labingwalong namatay nang nabagsakan ng tore sa Siloam, inaakala ba ninyong higit silang makasalanan kaysa ibang taga-Jerusalem? 5 Sinasabi ko sa inyo, hindi! Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo'y mapapahamak ding tulad nila.”
Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga
6 Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Pinuntahan niya ito upang maghanap ng bunga roon, ngunit wala siyang natagpuan. 7 Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan mo ito; tatlong taon na akong pumupunta rito upang maghanap ng bunga sa punong igos na ito ngunit wala pa akong matagpuan. Kaya putulin mo na ito! Sayang lang ang lupa sa kanya!’ 8 Sumagot ito sa kanya, ‘Panginoon, bigyan pa po ninyo ito ng isang taon at huhukayin ko ang paligid nito at lalagyan ko ng pataba. 9 Baka naman magbunga na ito sa darating na taon, ngunit kung hindi pa, puputulin na ninyo ito.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.