Book of Common Prayer
32 Ano (A) pa ba ang dapat kong sabihin? Kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at tungkol sa mga propeta. 33 Sa (B) pamamagitan ng pananampalataya, ang mga ito ay lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng bibig ng mga leon, 34 pumatay (C) ng naglalagablab na apoy, nakaligtas mula sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, at nagpaurong ng mga hukbong dayuhan. 35 Sa (D) pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap ng mga kababaihan ang mga namatay nilang mahal sa buhay nang ang mga ito'y muling buhayin. Ang iba nama'y pinahirapan at tumangging mapalaya upang makamit ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. 36 Ang (E) iba'y nagtiis ng paghamak at paghagupit, at maging ng pagkagapos at pagkabilanggo. 37 Ang iba ay (F) pinagbabato hanggang mamatay, ang iba ay nilagari at ang iba ay pinatay sa tabak. Lumakad silang suot ang balat ng mga tupa at kambing, na mga nagdarahop, pinag-uusig, at pinagmamalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpalabuy-laboy sila sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman kinalugdan ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako. 40 Dahil may inihandang mas maganda ang Diyos para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal malibang kasama tayo.
Ang Pagdisiplina ng Panginoon
12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan. 2 Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos, (A) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. 2 Nakita (B) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. 3 At (C) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,
“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
4 papahirin (D) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”
22 At wala akong nakitang templo sa lungsod, sapagkat ang templo nito'y ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi (A) na kailangan pa ng lungsod ang araw o buwan upang tumanglaw doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang liwanag nito, at ang Kordero ang ilaw nito. 24 Sa pamamagitan ng liwanag nito ay lalakad ang mga bansa, at ang mga hari sa daigdig ay magdadala ng kanilang kaluwalhatian sa lungsod. 25 Ang (B) mga pintuan nito ay hindi isasara kailanman, sapagkat wala nang gabi doon. 26 Sa loob nito ay dadalhin ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa. 27 Subalit (C) hindi makapapasok doon ang anumang maruming bagay, ang sinumang may gawaing karumal-dumal o sinungaling, kundi yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
22 Pagkatapos ay ipinakita (D) sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay na kasinlinaw ng kristal. Bumubukal iyon mula sa trono ng Diyos at ng Kordero 2 sa (E) gitna ng lansangan ng lungsod.Naroon sa magkabilang pampang ng ilog ang puno ng buhay na namumunga ng labindalawang uri ng prutas, namumunga ito bawat buwan; at ang mga dahon ng puno ay nakapagpapagaling sa mga bansa. 3 Hindi na (F) magkakaroon doon ng anumang isinumpa, sapagkat ang trono ng Diyos at ng Kordero ay naroon, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at ang pangalan niya ay masusulat sa kanilang mga noo. 5 Wala (G) nang gabi; hindi na nila kakailanganin pa ng liwanag o ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila, at maghahari sila magpakailanpaman.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.