Book of Common Prayer
9 Sapagkat sa palagay ko, kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na pinakahuli sa lahat, tulad ng mga taong nahatulan ng kamatayan, sapagkat kami ay naging isang palabas na pinanonood ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal dahil kay Cristo! Ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas! Kayo ay pinararangalan ngunit kami ay hinahamak! 11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at mga pagala-gala, 12 at nagpapagod kami sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Kapag kami'y nilalait, gumaganti kami ng pagpapala, kapag pinahihirapan, kami'y nagtitiis; 13 at kapag inaalipusta, magalang kaming sumasagot. Hanggang ngayon ay para kaming mga basura ng daigdig, dumi ng lahat ng mga bagay.
14 Hindi ko isinusulat ang mga ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay pagpayuhan bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit magkaroon pa kayo kay Cristo ng libu-libong mga tagapagturo ay hindi naman marami ang inyong ama; sapagkat kay Cristo Jesus ako ang naging ama ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya't nakikiusap ako, tumulad kayo sa akin.
Ang Pananampalataya ng Babaing Taga-Canaan(A)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa karatig-pook ng Tiro at Sidon. 22 Naroon ang isang babaing taga-Canaan na mula sa lupaing iyon. Siya'y nagsisisigaw, “Maawa ka po sa akin, Panginoon, Anak ni David! Ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.” 23 Ngunit hindi man lamang siya sumagot sa babae. Lumapit ang mga alagad niya at nakiusap sa kanya, “Paalisin mo po siya, sapagkat nagsisisigaw siya sa hulihan natin.” 24 At sumagot siya, “Ako'y sinugo para lamang sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.” 25 Ngunit lumapit ang babae, lumuhod sa harapan niya at sinabi, “Panginoon, tulungan mo po ako.” 26 Sumagot si Jesus, “Hindi tamang kunin ang kinakain ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.” 27 Ngunit sagot ng babae, “Opo, Panginoon. Ngunit ang mga aso man ay kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang mga amo.” 28 Kaya't sumagot si Jesus sa kanya, “Babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari para sa iyo ang hinihiling mo.” At gumaling ang kanyang anak na babae sa oras ding iyon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.