Book of Common Prayer
Sa Atenas
16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[a] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.