Book of Common Prayer
10 Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sumagot siya, “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na may pangalang Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya. 12 Nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias. Pumapasok ito at ipinapatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” 13 Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga hinirang na nasa Jerusalem. 14 Mayroon siyang pahintulot mula sa mga punong pari na igapos ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” 15 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Humayo ka. Sapagkat ang lalaking ito ay isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” 17 Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” 18 Agad nalaglag mula sa mga mata ni Saulo ang bagay na parang mga kaliskis, at muli siyang nakakita.Tumayo siya at binautismuhan. 19 Pagkatapos niyang kumain ay nanumbalik ang kanyang lakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 (A)Sinulat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang sinumang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Siya lamang ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno sa ilang, gayunma'y namatay sila. 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit, upang ang sinumang kumain nito ay hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nabubuhay na bumaba mula sa langit; sinumang kumain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko para sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.