Book of Common Prayer
14 Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga taga-Samaria ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating doon ay ipinanalangin ng dalawa ang mga taga-Samaria upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat hindi pa bumababa ang Espiritu sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan[a] ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nang makita ni Simon na ipinagkakaloob ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y kanyang inalok ng salapi, 19 at sinabi, “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Banal na Espiritu.” 20 Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, “Mapapahamak ka kasama ng iyong salapi! Akala mo ba'y mabibili mo ang kaloob ng Diyos? 21 Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi naaayon sa Diyos ang iyong puso. 22 Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling patawarin ka sa masamang hangarin ng iyong kalooban. 23 Sapagkat nakikita kong pinaghaharian ka ng inggit at alipin ka ng kasamaan.” 24 Sumagot si Simon, “Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”
25 Matapos silang makapagpatotoo at maipahayag ang salita ng Panginoon, bumalik sina Pedro at Juan[b] sa Jerusalem na ipinangangaral ang magandang balita sa maraming nayon ng Samaria.
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo
6 Matapos ang mga pangyayaring ito pumunta si Jesus sa kabilang bahagi ng lawa ng Galilea na tinatawag ding lawa ng Tiberias. 2 Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, dahil nakita nila ang mga himala na kanyang ginawa sa mga maysakit. 3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo kasama ng kanyang mga alagad. 4 Nalalapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. 5 Paglingon ni Jesus, nakita niyang lumalapit sa kanya ang napakaraming tao kung kaya sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” 6 Alam na ni Jesus ang kanyang gagawin, ngunit sinabi niya iyon upang subukin si Felipe. 7 Sumagot ito, “Kulang po ang tinapay na mabibili ng dalawang daang denaryo[a] upang makakain kahit kaunti ang mga taong ito.” 8 Si Andres na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, 9 “May isang bata po rito na may limang tinapay na sebada[b] at dalawang isda, ngunit sapat ba ito para sa napakaraming tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Sa lugar na iyon ay maraming damo, kaya naupo ang mga lalaking may limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay, at matapos magpasalamat, ipinamigay niya sa mga nakaupo; ganoon din ang ginawa niya sa mga isda. Kumuha ang mga tao hangga't ibig nila. 12 Nang mabusog sila, inutusan niya ang kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga sobrang pagkain upang walang masayang.” 13 Kaya tinipon nga nila ang mga sumobrang pagkain, at mula sa limang pinagpira-pirasong tinapay ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Ito nga talaga ang propetang darating sa sanlibutan!” 15 Nang makita ni Jesus na lumalapit ang mga tao at sapilitan siyang kukunin upang gawing hari, lumayo siya at muling pumuntang mag-isa sa bundok.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.