Book of Common Prayer
1 Kagalang-galang na Teofilo, isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng mga ginawa at itinuro ni Cristo mula sa simula, 2 hanggang sa araw na dalhin siya sa langit matapos magtagubilin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa kanyang mga hinirang na apostol. 3 Pagkatapos ng kanyang pagdurusa, nagpakita siya nang maraming ulit sa kanila upang mapatunayang siya ay buháy. Ginawa niya ito sa loob ng apatnapung araw at nagturo ng mga bagay tungkol sa paghahari ng Diyos. 4 Habang kasama pa nila, nagbilin siya ng ganito sa mga alagad, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem; sa halip, hintayin ninyo ang ipinangako ng Ama na narinig ninyo sa akin. 5 Nagbautismo sa tubig si Juan; subalit ilang araw na lamang, babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang muli silang magkasama, nagtanong ang mga alagad kay Jesus, “Panginoon, ito na ba ang panahong itatayo mong muli ang kaharian sa Israel?” 7 Sinabi niya sa kanila, “Hindi na ninyo kailangang malaman pa ang mga oras o ang mga panahong itinakda ng Ama sa pamamagitan ng sarili niyang awtoridad. 8 Sa halip, tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Banal na Espiritu, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, hanggang sa dulo ng daigdig.” 9 Matapos niyang sabihin ang mga ito, dinala siya sa langit habang sila ay nakatingin. Pagkatapos ay tinakpan siya ng ulap at siya'y hindi na nila nakita. 10 Samantalang nakatitig sila sa langit habang papalayo siya, biglang lumitaw ang dalawang lalaking nakaputi, nakatayo sa kanilang tabi 11 at nagsabi, “Mga taga-Galilea, bakit kayo narito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit ay babalik kung paanong siya ay inyong nakitang umakyat sa langit.”
Pagpili sa Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay nagbalik ang mga alagad sa Jerusalem mula sa bundok ng mga Olibo na halos isang kilometro ang layo sa lungsod.[a] 13 Nang makapasok sila sa lungsod, tumuloy sila sa silid sa itaas na pansamantala nilang tinitirhan. Ang mga ito ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang kanyang mga kapatid, nagkakaisang inilaan ng mga alagad ang kanilang mga sarili sa pananalangin.
Namatay si Jesus(A)
45 Mula sa katanghaliang-tapat[a] hanggang sa ikatlo ng hapon[b] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (B) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (C) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[c] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (D) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[d]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.