Book of Common Prayer
Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel
9 Yamang ako'y kay Cristo, katotohanan ang sinasabi ko; sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagpapatotoo ang aking budhi at hindi ako nagsisinungaling. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa aking mga kababayan at kalahi. Nanaisin ko pang ako'y sumpain at mahiwalay kay Cristo alang-alang sa kanila. 4 Sila'y (A) mga Israelita, sila'y kinupkop bilang mga anak. Ipinakita sa kanila ang kaluwalhatian ng Diyos; ibinigay sa kanila ang pakikipagtipan at ang Kautusan, ang tungkol sa pagsamba, at ang mga pangako. 5 Sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo ayon sa laman, Diyos na Kataas-taasan at Maluwalhati magpakailanpaman. Amen.[a]
6 Hindi nangangahulugang nawalan ng saysay ang salita ng Diyos. Sapagkat hindi naman lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel. 7 At (B) hindi rin lahat ng nagmula kay Abraham ay mga anak ni Abraham, sa halip—nasusulat, “Sa pamamagitan ni Isaac, ang iyong mga anak ay kikilalanin.” 8 Ang ibig sabihin nito, hindi lahat ng anak ayon sa laman ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyong mga ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat (C) ganito ang isinasaad ng pangako, “Sa ganito ring panahon ay babalik ako at magkakaanak si Sarah ng isang lalaki.” 10 At hindi lamang iyon, si Rebecca rin nang siya'y nagdalang-tao sa pamamagitan ng isang lalaki, si Isaac, na ating ninuno, 11 bagaman ang mga bata ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakagagawa ng anumang mabuti o masama, ipinakita ng Diyos ang kanyang pagpili. 12 At ito'y (D) hindi batay sa mga gawa, kundi ayon sa layunin ng tumatawag. Sinabihan si Rebecca ng ganito, “Ang mas matanda ay maglilingkod sa mas bata.” 13 Gaya (E) ng nasusulat,
“Si Jacob ay aking minahal,
ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.”
14 Ano ngayon ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay hindi makatarungan? Huwag nawang mangyari! 15 Sapagkat (F) ganito ang sinabi niya kay Moises,
“Maaawa ako sa nais kong kaawaan,
at kahahabagan ko ang nais kong kahabagan.”
16 Samakatuwid ang pagpili ay hindi ayon sa kagustuhan o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa awa ng Diyos. 17 Sapagkat (G) sinasabi ng Kasulatan kay Faraon, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo ay maipakita ko ang aking kapangyarihan, at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya kinaawaan ng Diyos ang nais niyang kaawaan, at pinatitigas ang puso ng sinumang nais niyang pagmatigasin.
27 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, (A) mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga bangkay at ng sari-saring kabulukan. 28 At ganyan din kayo! Sa labas ay parang mga banal kung pagmasdan, ngunit sa loob ay punung-puno kayo ng pagkukunwari at kabuktutan.
29 “Kaysaklap ng inyong sasapitin, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta, at pinagaganda ang mga bantayog ng mga matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng aming mga ninuno, hindi kami sasali sa kanila sa pagpapadanak ng dugo ng mga propeta.’ 31 Kaya't kayo na rin ang nagpapatotoo laban sa inyong mga sarili, na kayo'y kalahi ng mga pumaslang sa mga propeta. 32 Punuin na ninyo ang salop ng inyong mga ninuno. 33 Mga (B) ahas! Mga anak ng mga ulupong! Paano ninyo matatakasan ang parusa sa impiyerno?[a] 34 Tandaan ninyo, dahil dito'y nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng matatalino, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus. Ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at tutugisin sa bayan-bayan. 35 Sa gayong paraan (C) ay mabubuntong lahat sa inyo ang walang salang dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa, mula sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias, anak ni Baraquias, na inyong pinaslang sa pagitan ng dakong banal at ng dambana. 36 Tinitiyak ko sa inyo, ang lahat ng mga ito ay sasapit sa salinlahing ito.
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(D)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (E) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (F) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.