Book of Common Prayer
Paglalarawan mula sa Pag-aasawa
7 Hindi ba ninyo alam, mga kapatid—sinasabi ko ito sa inyong nakauunawa ng Kautusan—na ang Kautusan ay may kapangyarihan lamang sa isang tao habang siya ay nabubuhay? 2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawang lalaki habang ito ay nabubuhay. Kung mamatay na ang lalaki, napalaya na ang babae sa Kautusang nagtatali sa kanya sa lalaki. 3 Kaya nga, kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, ituturing siyang isang mangangalunya. Ngunit kung mamatay ang kanyang asawa, malaya na siya sa Kautusan, at hindi mangangalunya kahit mag-asawa ng ibang lalaki. 4 Gayundin naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, upang kayo'y maging pag-aari ng iba, sa kanya na muling binuhay, mula sa kamatayan upang tayo'y magbunga para sa Diyos. 5 Noong tayo'y nabubuhay pa sa laman, ang mga makasalanang pagnanasa, sa pamamagitan ng Kautusan, ay nag-uudyok sa ating mga bahagi upang magbunga tungo sa kamatayan. 6 Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan, matapos tayong mamatay sa dating umaalipin sa atin, upang maging alipin tayo sa bagong buhay sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng lumang nakasulat na tuntunin.
Ang Pagkaalipin sa Kasalanan
7 Ano ngayon ang (A) ibig nating sabihin? Kasalanan ba ang Kautusan? Huwag nawang mangyari! Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Hindi ko sana nakilala ang kasakiman kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang maging sakim.” 8 Sinamantala ng kasalanan ang pagkakataon upang sa pamamagitan ng Kautusan ay gumawa sa aking kalooban ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, patay ang kasalanan. 9 Noong una, nabubuhay akong hiwalay sa Kautusan. Ngunit nang dumating ang utos, muling nabuhay ang kasalanan, 10 at ako'y namatay. Ang Kautusan na dapat sanang magbigay sa akin ng buhay ang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat (B) sinamantala ng kasalanan ang pagkakataong nakita nito sa Kautusan upang ako ay dayain, at sa pamamagitan ng Kautusan ay pinatay ako. 12 Kaya ang Kautusan ay banal at ang tuntunin ay banal, matuwid, at mabuti.
Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(A)
23 Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” 24 Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan sa inyo, at kung sasagutin ninyo ay sasabihin ko sa inyo kung ano ang awtoridad ko sa paggawa ng mga bagay na ito. 25 Saan ba nagmula ang bautismo ni Juan? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At ito'y pinagtalunan nila, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ 26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ takot naman tayo sa maraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang aking awtoridad sa paggawa ko ng mga bagay na ito.
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong may dalawang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’ 29 Subalit siya'y sumagot at nagsabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin. 30 Lumapit din siya sa pangalawa, at gayundin ang sinabi. ‘Pupunta po ako’, ang sabi nito, ngunit hindi naman pumunta. 31 Alin sa dalawa ang sumunod sa kagustuhan ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae ay nauuna pa sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat (B) dumating sa inyo si Juan upang ipakita ang daan ng katuwiran, gayunma'y hindi kayo naniwala sa kanya; subalit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang masasamang babae. At kahit nakita ninyo ito ay hindi pa rin kayo nagbago ng pag-iisip at naniwala sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.