Book of Common Prayer
12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.
Sa Atenas
16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[a] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
Ang Pagpapagaling sa Babaing Kuba
10 Isang araw ng Sabbath, nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga. 11 Naroon ang isang babaing labingwalong taon nang may espiritu ng kapansanan. Hukot ang kanyang katawan at hindi na niya makayang makaunat. 12 Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi sa kanya, “Babae, kinalagan ka na sa iyong kapansanan.” 13 At ipinatong niya ang kanyang kamay sa babae at nakaunat ito at nagpuri sa Diyos. 14 Ngunit ikinagalit ng pinuno ng sinagoga ang pagpapagaling ni Jesus nang Sabbath kaya't sinabi niyon sa mga tao, “May anim na araw na dapat magtrabaho, kaya nga sa mga araw na iyon kayo magpunta upang magpagaling at hindi sa araw ng Sabbath.” 15 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kung Sabbath ay kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong baka o asno mula sa sabsaban at inilalabas ito upang painumin? 16 Iginapos ni Satanas nang labingwalong taon ang babaing ito na anak ni Abraham. Hindi ba dapat lang na makalagan siya sa pagkakagapos na iyon sa araw ng Sabbath?” 17 Pagkasabi niya noon, napahiya ang lahat ng kumakalaban sa kanya. Nagalak ang buong madla sa lahat ng kahanga-hangang ginawa niya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.