Book of Common Prayer
Papuri at Pasasalamat
66 Kayong mga tao sa buong mundo,
isigaw ninyo ang inyong papuri sa Dios nang may kagalakan.
2 Umawit kayo ng mga papuri para sa kanya.
Parangalan ninyo siya sa pamamagitan ng inyong mga awit.
3 Sabihin ninyo sa kanya,
“O Dios, kahanga-hanga ang inyong mga gawa!
Dahil sa inyong dakilang kapangyarihan,
luluhod ang inyong mga kaaway sa takot.
4 Ang lahat ng tao sa buong mundo ay sasamba sa inyo
na may awit ng papuri.”
5 Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao.
6 Pinatuyo niya ang dagat;
tinawid ito ng ating mga ninuno na naglalakad.
Tayoʼy mangagalak sa kanyang mga ginawa.
7 Maghahari ang Dios ng walang hanggan
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Mga bansaʼy kanyang pinagmamasdan,
kaya ang mga sumusuway sa kanya
ay hindi dapat magmalaki sa kanilang sarili.
8 Kayong mga tao, purihin ninyo ang Dios!
Iparinig ninyo sa lahat ang inyong papuri.
9 Iningatan niya ang ating buhay
at hindi niya hinayaang tayoʼy madapa.
10 O Dios, tunay ngang binigyan nʼyo kami ng pagsubok,
na tulad ng apoy na nagpapadalisay sa pilak.
11 Hinayaan nʼyo kaming mahuli sa bitag
at pinagpasan nʼyo kami ng mabigat na dalahin.
12 Pinabayaan nʼyo ang aming mga kaaway na tapakan kami sa ulo;
parang dumaan kami sa apoy at lumusong sa baha.
Ngunit dinala nʼyo kami sa lugar ng kasaganaan.
13 Mag-aalay ako sa inyong templo ng mga handog na sinusunog[a]
upang tuparin ko ang aking mga ipinangako sa inyo,
14 mga pangakong sinabi ko noong akoʼy nasa gitna ng kaguluhan.
15 Mag-aalay ako sa inyo ng matatabang hayop bilang handog na sinusunog,
katulad ng mga tupa, toro at mga kambing.
16 Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios.
Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin.
17 Humingi ako sa kanya ng tulong habang nagpupuri.
18 Kung hindi ko ipinahayag sa Panginoon ang aking mga kasalanan,
hindi niya sana ako pakikinggan.
19 Ngunit tunay na pinakinggan ako ng Dios at ang dalangin koʼy kanyang sinagot.
20 Purihin ang Dios, na hindi tumanggi sa aking panalangin,
at hindi nagkait ng kanyang tapat na pag-ibig sa akin.
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
Kasama Natin ang Dios
46 Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan.
Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan.
2 Kaya huwag tayong matatakot kahit lumindol man,
at gumuho ang mga bundok at bumagsak sa karagatan.
3 Humampas man at umugong ang mga alon na naglalakihan,
at mayanig ang kabundukan.
4 May ilog na nagbibigay ng kagalakan sa bayan ng Dios,
sa banal na tahanan ng Kataas-taasang Dios.
5 Ang Dios ay nakatira sa lungsod na ito kaya hindi ito magigiba.
Itoʼy kanyang ipagtatanggol sa kinaumagahan.
6 Nagkakagulo ang mga bansa; bumabagsak ang mga kaharian.
Sa sigaw ng Dios, ang mga tao sa mundo ay parang matutunaw sa takot.
7 Kasama natin ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
8 Halika, tingnan mo ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Panginoon sa mundo.
9 Kanyang pinatitigil ang mga digmaan sa lahat ng sulok ng mundo.
Binabali niya ang mga sibat, pinuputol ang mga pana, at sinusunog ang mga kalasag.
10 Sinasabi niya,
“Tumigil kayo[a] at kilalanin ninyo na ako ang Dios.
Akoʼy pararangalan sa mga bansa.
Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”
11 Kasama natin ang Panginoong Makapangyarihan.
Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan.
26 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 27 “Hanggang kailan pa ba ang pagrereklamo sa akin ng masasamang mamamayang ito? Narinig ko ang mga reklamo ng mga Israelita. 28 Kaya sabihin mo ito sa kanila: Ako, ang Panginoon na buhay, ay sumusumpa na gagawin ko sa inyo ang inyong hinihiling. 29 Mamamatay kayo rito sa disyerto. Dahil nagreklamo kayo sa akin, walang kahit isa sa inyo na may edad na 20 taong gulang pataas 30 ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko na ibibigay sa inyo na inyong titirhan, maliban lang kay Caleb na anak ni Jefune at kay Josue na anak ni Nun. 31 Tungkol naman sa inyong mga anak na sinabi ninyong bibihagin, dadalhin ko sila sa lupain na inyong itinakwil at magiging kanila ito. 32 Ngunit mamamatay kayo sa disyerto. 33 Ang inyong mga anak ay magiging tulad ng mga tagapagbantay ng tupa na palibot-libot sa disyerto sa loob ng 40 taon. Sa pamamagitan nito, magdurusa sila dahil sa inyong pagtataksil sa akin hanggang sa mamatay kayong lahat. 34 Dahil ang mga espiya sa lupain ay tumira roon ng 40 araw, magdurusa rin kayo ng 40 taon dahil sa inyong kasalanan, para malaman ninyo kung paano ako magalit sa mga kumakalaban sa akin. 35 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito at siguradong gagawin ko ang mga bagay na ito sa masasamang mamamayang ito na nagkaisang kumalaban sa akin. Mamamatay silang lahat sa disyerto.”
36-37 Ang mga taong inutusan ni Moises para sa pag-espiya, na nagbalita ng masama tungkol sa lupain na siyang naging dahilan ng pagrereklamo ng mga Israelita ay namatay sa karamdaman sa presensya ng Panginoon. 38 Sa 12 espiya, si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune lang ang hindi namatay.
Natalo ang mga Israelita sa Kanilang Pagsalakay sa Canaan(A)
39 Nang sinabi ito ni Moises sa lahat ng mga Israelita, nagluksa sila. 40 At kinabukasan, maaga silang bumangon para umakyat sa kabundukan ng Canaan. Sinabi nila, “Napag-isip-isip namin na nagkasala kami, at ngayoʼy handa na kami sa pagpunta sa lugar na ipinangako ng Panginoon.”
41 Pero sinabi ni Moises, “Bakit sinuway ninyo ang utos ng Panginoon na magbalik kayo sa disyerto? Hindi kayo magtatagumpay! 42 Huwag kayong lalakad, dahil hindi kayo sasamahan ng Panginoon, at matatalo lang kayo ng inyong mga kaaway. 43 Sa oras na makipaglaban sa inyo ang mga Cananeo at mga Amalekita, mamamatay kayo; hindi sasama ang Panginoon dahil siyaʼy itinakwil ninyo.” 44 Pero naglakbay sila sa kabundukan ng Canaan kahit hindi sumama sa kanila si Moises at ang Kahon ng Kasunduan. 45 Pagkatapos, sinalakay sila ng mga Amalekita at ng mga Cananeo na naninirahan doon sa kabundukan, at natalo sila, at hinabol pa sila hanggang sa Horma.
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May mga taong galing sa Judea na pumunta sa Antioc at nagturo sa mga kapatid doon na silang mga hindi Judio ay hindi maliligtas kung hindi sila magpapatuli ayon sa kaugaliang itinuro ni Moises. 2 Hindi ito sinang-ayunan nina Pablo at Bernabe, at naging mainit ang pagtatalo nila tungkol dito. Kaya nagkaisa ang mga mananampalataya roon na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pang mga mananampalataya sa Antioc, para makipagkita sa mga apostol at sa mga namumuno sa iglesya tungkol sa bagay na ito.
3 Kaya pinapunta ng iglesya sina Pablo. At nang dumaan sila sa Fenicia at sa Samaria, ibinalita nila sa mga kapatid na may mga hindi Judio na sumampalataya kay Cristo. Nang marinig nila ito, tuwang-tuwa sila. 4 Pagdating nina Pablo sa Jerusalem tinanggap sila ng iglesya, ng mga apostol, at ng mga namumuno sa iglesya. Ibinalita nila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila. 5 Pero tumayo ang ilang mananampalatayang miyembro ng grupo ng mga Pariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga hindi Judio at utusang sumunod sa Kautusan ni Moises.”
6 Kaya nagpulong ang mga apostol at ang mga namumuno sa iglesya para pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, alam ninyo na pinili ako ng Dios noong una mula sa inyo para ituro ang Magandang Balita sa mga hindi Judio, nang sa gayoʼy makarinig din sila at sumampalataya. 8 Alam ng Dios ang nilalaman ng puso ng bawat tao. At ipinakita niya na tinatanggap din niya ang mga hindi Judio, dahil binigyan din sila ng Banal na Espiritu katulad ng ginawa niya sa atin noon. 9 Sa paningin ng Dios, tayong mga Judio at silang mga hindi Judio ay pare-pareho lang. Dahil nilinis din niya ang kanilang puso nang sumampalataya sila. 10 Ngayon, bakit nʼyo sinusubukan ang Dios? Bakit nʼyo pinipilit ang mga hindi Judiong tagasunod ni Jesus na sumunod sa mga kautusan na kahit ang ating mga ninuno at tayo mismo ay hindi makasunod? 11 Naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, at ganito rin naman sa mga hindi Judio.”
12 Nang marinig nila iyon, tumahimik silang lahat. At pinakinggan nila ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan nila.
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(A)
49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[a] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.
51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”
Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(B)
54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®