Book of Common Prayer
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May (A) ilang taong dumating sa Antioquia mula sa Judea na nagtuturo ng ganito sa mga kapatid, “Malibang kayo'y tuliin ayon sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maliligtas.” 2 Mahigpit na nakipagtalo sina Pablo at Bernabe sa kanila tungkol dito. At dahil naging mainit ang kanilang salungatan, sina Pablo at Bernabe, kasama ang iba pa, ay inatasang pumunta sa Jerusalem upang isangguni ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatandang tagapamahala ng iglesya. 3 Sinugo nga sila ng iglesya. Sa kanilang pagdaan sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabalik-loob ng mga Hentil, na nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. 4 Nang makarating sila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng buong iglesya, ng mga apostol at ng matatanda. Iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. 5 Subalit tumindig ang ilang kaanib sa pangkat ng mga Fariseo at nagsabi, “Kailangang tuliin ang mga Hentil at utusang sundin ang Kautusan ni Moises.” 6 Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos (B) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noon ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking pangangaral ay mapakinggan ng mga Hentil ang Magandang Balita, at sila'y sumampalataya. 8 At (C) ang Diyos na nakaaalam ng puso ng tao ay nagpatunay sa kanila nang pagkalooban sila ng Banal na Espiritu tulad ng nangyari sa atin. 9 Walang pagtatangi na ginawa ang Diyos sa atin at sa kanila; sa halip, nilinis din niya ang kanilang mga puso nang sila'y sumampalataya. 10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos at iniaatang sa mga alagad ang mga pasaning kahit tayo o ang ating mga ninuno'y hindi nakayang pasanin? 11 Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus, gayundin sila.” 12 Tumahimik ang buong kapulungan at pinakinggan ang salaysay nina Bernabe at Pablo tungkol sa mga himala at kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila.
Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(A)
49 “Naparito ako upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sanang ito'y nagniningas na. 50 Kailangan kong magdaan sa isang bautismo at nababagabag ako hangga't hindi ito nagaganap! 51 Akala ba ninyo'y pumarito ako upang magbigay ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. 52 Sapagkat mula ngayon, ang limang tao sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi—tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki at ang anak na lalaki laban sa ama, ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina, ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”
Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(B)
54 Sinabi rin niya sa mga tao, “Kapag nakakita kayo ng ulap na tumataas sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘Paparating na ang ulan,’ at gayon nga ang nangyayari. 55 At kapag nakikita ninyong umiihip ang hanging habagat sinasabi ninyong, ‘Magiging mainit,’ at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong magtaya ng panahon sa anyo ng lupa at langit, subalit bakit hindi ninyo mabasa ang tanda ng kasalukuyang panahon?”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.