Book of Common Prayer
Ang Kapangyarihan ng Ebanghelyo
16 Hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; (A) sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego. 17 Sapagkat (B) sa ebanghelyo ipinapahayag ang katuwiran ng Diyos, kung paano maging matuwid sa kanyang harapan. At ito, buhat sa simula hanggang sa wakas, ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Gaya ng nasusulat, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, mabubuhay ang matuwid.[a]
Nagkasala ang Sangkatauhan
18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kasamaan at kalikuan ng mga taong sumisikil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag sa kanila, yamang iyon ay ipinahayag na sa kanila ng Diyos. 20 Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang hindi nakikitang kalikasan—ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos—ay maliwanag na nakikita at nauunawaan dahil sa mga bagay na kanyang ginawa. Kaya't ang mga gayong tao'y wala nang maidadahilan pa. 21 Sapagkat (C) kahit na kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati o pinasalamatan man lang bilang Diyos. Sa halip, naging walang kabuluhan ang kanilang mga pag-iisip at naging madilim ang hangal nilang mga puso. 22 Sa kanilang pagmamarunong ay lumabas silang mga mangmang. 23 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, at ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad at gumagapang.
24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa maruruming pagnanasa ng kanilang mga puso, hanggang sa sila'y masadlak sa paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa mga bagay na nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
22 Nang sila'y nagkatipon[a] sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: “Ipagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. 23 Siya'y kanilang papatayin subalit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga alagad.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating (B) nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis[b] para sa templo at nagtanong sila, “Nagbabayad ba ng buwis sa templo ang inyong guro?” 25 Siya'y sumagot, “Opo, nagbabayad siya.” At pagdating niya sa bahay, naunang nagsalita si Jesus at nagtanong, “Ano sa palagay mo, Simon? Kanino sumisingil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?” 26 At nang sabihin niya, “Sa ibang tao,” ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Samakatuwid, hindi na pinagbabayad ang mga anak. 27 Ngunit upang hindi sila magkasala dahil sa atin, pumunta ka sa lawa at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang lilitaw, at pagkabuka mo sa bibig niyon ay makakakita ka roon ng salaping pilak. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, pambuwis nating dalawa.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.