Book of Common Prayer
Babala at Basbas
11 Pansinin ninyo kung gaano kalalaki ang mga titik ng sulat-kamay ko! Ako mismo ang sumulat nito! 12 Ang mga taong naghahangad na gumawa ng panlabas na kapurihan ang mga namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila ito upang huwag na silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Ngunit kahit sila na mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad sa Kautusan. Gayunma'y nais nilang magpatuli kayo upang maipagmalaki nila ang pagpapatuli ninyo. 14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki. Ang tanging ipinagmamalaki ko ay ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibutan ay patay na sa akin, at ako'y patay na sa sanlibutan. 15 Sapagkat[a] hindi na mahalaga ang pagtutuli o ang di-pagtutuli, kundi ang pagiging bagong nilalang. 16 Kapayapaan at kahabagan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.
17 Bilang pagwawakas, huwag na akong guluhin pa ng sinuman; sapagkat ang mga pilat na taglay ko sa aking katawan ay patunay na ako'y alagad ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(A)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at ang kapatid nitong si Juan, at sila'y kanyang dinala na walang kasamang iba sa isang mataas na bundok. 2 At nagbagong-anyo siya sa harapan nila, nagliwanag ng tulad sa araw ang kanyang mukha, at naging parang ilaw sa kaputian ang kanyang mga damit. 3 At doon ay nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti at naririto tayo. Kung nais mo po, gagawa ako ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” 5 Nagsasalita (B) (C) pa siya noon nang napailalim sila sa isang maningning na ulap, at isang tinig mula roon ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nasisiyahan. Siya ang inyong pakinggan.” 6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at labis na natakot. 7 Subalit lumapit si Jesus at sila'y hinawakan. Sinabi niya, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila ay wala silang nakitang sinuman, kundi si Jesus lamang. 9 At nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang tungkol sa pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.” 10 Tinanong (D) siya ng kanyang mga alagad, “Kung gayon, bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan munang dumating si Elias?” 11 Sumagot siya, “Talagang darating si Elias at panunumbalikin ang lahat ng mga bagay. 12 Subalit (E) sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, ngunit siya'y hindi nila kinilala, sa halip ay kanilang ginawa sa kanya ang anumang kanilang maibigan. Gayundin naman, ang Anak ng Tao ay malapit nang dumanas ng pagdurusa sa kanilang mga kamay.” 13 At naunawaan ng mga alagad na tungkol kay Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.