Book of Common Prayer
Ang Pangako kay Abraham
15 Mga kapatid, hayaan ninyong magbigay ako ng isang pang-araw-araw na halimbawa: kapag napagtibay na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-bisa o madadagdagan. 16 Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi ng kasulatan na, “At sa mga binhi,” na nangangahulugang marami, kundi “At sa iyong binhi,” na nangangahulugang isa lamang, at ito'y si Cristo. 17 Ito (A) ang ibig kong sabihin: Ang kasunduan na dati nang pinagtibay ng Diyos ay hindi mapapawalang-bisa ng Kautusan. Ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan, na dumating lamang pagkaraan ng apatnaraan at tatlumpung taon. 18 Sapagkat (B) kung ang pamana ay nakasalig sa Kautusan, hindi na ito nakasalig sa pangako. Subalit ayon sa kagandahang-loob ng Diyos ay kanyang ipinagkaloob kay Abraham ang pamana bilang katuparan ng kanyang pangako.
Ang Layunin ng Kautusan
19 Kung ganoo'y bakit ibinigay pa ang Kautusan? Idinagdag ito upang ipakita ang mga pagsuway, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. 20 Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa.
21 Nangangahulugan bang ang Kautusan ay sumasalungat sa mga pangako ng Diyos? Hindi! Kung may kautusang ibinigay na makapagbibigay-buhay, sana'y ituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng pagsunod niya dito. 22 Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, upang ang pangako ay makamtan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
22 Pagkatapos ay agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna niya sa kabilang pampang, habang pinauuwi niya ang napakaraming tao. 23 Matapos niyang pauwiin ang mga tao, nag-iisang umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, naroroon pa rin siyang nag-iisa. 24 Ngunit nang mga sandaling iyon, ang bangka ay pumapalaot na at hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. 25 Nang madaling-araw na,[a] lumapit sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng lawa. 26 Nang makita ng mga alagad na lumalakad siya sa ibabaw ng tubig, nasindak sila at nagsabi, “May multo!” At nagsisigaw sila sa takot. 27 Subalit nagsalita kaagad si Jesus, at sinabi sa kanila, “Laksan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.” 28 Sumagot sa kanya si Pedro, “Panginoon, kung ikaw po iyan, papuntahin mo ako diyan sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin ni Pedro[b] ang hangin, natakot siya. At nang siya'y nagsisimula nang lumubog ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Kaagad iniabot ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro, at sinabihan, “Ikaw na maliit ang pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?” 32 Nang makasampa na sila sa bangka ay huminto na ang hangin. 33 Sumamba sa kanya ang mga nasa bangka. Sabi nila, “Totoong ikaw ang Anak ng Diyos.”
Pinagaling ang mga Maysakit sa Genesaret(B)
34 Pagdating nila sa kabilang pampang, dumaong sila sa Genesaret. 35 Nang makilala siya ng mga tao sa lugar na iyon, ipinamalita nila ito sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. 36 Nakiusap sila sa kanya na mahawakan nila kahit ang laylayan ng kanyang damit. At lahat ng nakahawak nito ay gumaling.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.