Book of Common Prayer
Pananampalataya at Karunungan
2 Ituring ninyong tunay na kagalakan, mga kapatid, kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang pagsubok, 3 sapagkat alam ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng katatagan. 4 At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y dumating sa hustong gulang, ganap at walang kakulangan. 5 At kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat. 6 Ngunit ang humihingi ay dapat magtiwala at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na hinihipan ng hangin at itinataboy kahit saan. 7 Huwag isipin ng taong iyon na tatanggap siya ng anuman galing sa Panginoon. 8 Ang taong iyon ay nagdadalawang-isip, di-tiyak sa lahat ng kanyang dinaraanan.
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay nagmumula sa itaas, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nag-iiba o nagdudulot man ng anino dahil sa pagbabago. 18 Ipinanganak niya tayo ayon sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.
Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal
13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.