Book of Common Prayer
12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na siyang dahilan ng pagkatawag sa iyo nang maipahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutos ko sa iyo, sa (A) harap ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay, at ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, 14 sundin mong mabuti at may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Ipapakita siya ng Diyos sa takdang panahon, ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
41 Nang papalapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. 42 Sinabi niya, “Kung alam mo lang sana sa araw na ito kung ano ang magdudulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ngayon, itinago ang mga ito sa iyong mga mata. 43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw na magtatayo ng moog ang iyong mga kaaway at palilibutan ka nila at lulusubin ka nila sa bawat panig. 44 Ibabagsak ka nila sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Wala silang ititirang bato na nasa ibabaw ng ibang bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo ng Diyos.”
Nilinis ni Jesus ang Templo(A)
45 Pumasok si Jesus sa templo, at sinimulan niyang itaboy ang mga nagtitinda roon. 46 Sinasabi niya sa kanila, “Nasusulat,
‘Ang tahanan ko ay magiging bahay-dalanginan;’
ngunit ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”
47 Araw-araw siyang nangangaral sa templo. Sinikap siyang patayin ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan, 48 ngunit wala silang matagpuang paraan upang maisagawa ito sapagkat ang mga tao ay nakatuon sa pakikinig sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.