Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Panawagan sa Dios para Tulungan
22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
2 Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
at wala na akong ibang maaasahan.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.
Panalangin para Ilayo sa Kasamaan
141 Panginoon, tumatawag ako sa inyo; agad nʼyo akong tulungan.
Dinggin nʼyo ang panawagan ko sa inyo.
2 Tanggapin nʼyo sana ang dalangin ko bilang insenso,
ang pagtataas ko ng aking mga kamay bilang handog panggabi.[a]
3 Panginoon, tulungan nʼyo akong huwag makapagsalita ng masama.
4 Ilayo nʼyo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito.
Ilayo nʼyo rin ako sa kanilang mga handaan upang huwag makisalo.
5 Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid,
dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin.
Itoʼy parang langis sa aking ulo.
Pero sa masasamang tao ang lagi kong panalangin ay laban sa kanilang masasamang gawain.
6 Kapag itinapon na ang kanilang mga pinuno sa mabatong bangin,
maniniwala silang totoo ang mga sinasabi ko.
7 Sasabihin nila, “Kakalat sa libingan ang mga buto natin katulad ng mga bato na naglalabasan at kumakalat kapag inaararo ang lupa.”
8 Panginoong Dios, akoʼy lumalapit sa inyo.
Hinihiling ko sa inyo na ingatan nʼyo ako,
huwag nʼyong hahayaang akoʼy mamatay.
9 Ilayo nʼyo ako mula sa mga bitag na inilaan sa akin ng masasamang tao.
10 Sila sana ang mahulog sa sarili nilang bitag, habang ako naman ay makakaiwas doon.
Panalangin sa Oras ng Kahirapan
143 Panginoon, dinggin nʼyo ang aking panalangin.
Dinggin nʼyo ang aking pagsusumamo.
Tulungan nʼyo ako dahil kayo ay matuwid at tapat.
2 Huwag nʼyong hatulan ang inyong lingkod,
dahil walang sinumang matuwid sa inyong harapan.
3 Tinugis ako ng aking mga kaaway.
Tinalo ako at inilagay sa madilim na bilangguan;
tulad ako ng isang taong matagal nang patay.
4 Kaya nawalan na ako ng pag-asa,
at punong-puno ng takot ang puso ko.
5 Naalala ko ang inyong mga ginawa noong una;
pinagbulay-bulayan ko ang lahat ng inyong ginawa.
6 Itinaas ko ang aking mga kamay sa inyo at nanalangin,
kinauuhawan ko kayo tulad ng tuyong lupa na uhaw sa tubig.
7 Panginoon, agad nʼyo akong sagutin.
Nawawalan na ako ng pag-asa.
Huwag nʼyo akong layuan, baka akoʼy mamatay.
8 Bawat umaga, ipaalala nʼyo sa akin ang inyong pag-ibig,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
Ipakita nʼyo sa akin ang tamang daan na dapat kong daanan,
dahil sa inyo ako nananalangin.
9 Panginoon, iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway,
dahil sa inyo ako humihingi ng kalinga.
10 Turuan nʼyo akong sundin ang inyong kalooban,
dahil kayo ang aking Dios.
Patnubayan sana ako ng inyong butihing Espiritu sa landas na walang kapahamakan.
11 Iligtas nʼyo ako, Panginoon, upang kayo ay maparangalan.
Dahil kayo ay matuwid, iligtas nʼyo ako sa kaguluhan.
12 Alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin na inyong lingkod,
lipulin nʼyo ang aking mga kaaway.
Ang Pag-ulan ng Yelo
13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 14 Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo para malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo. 15 Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon. 16 Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo. 17 Pero nagyayabang ka pa rin sa mamamayan ko, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis. 18 Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Egipto mula nang maging bansa ito. 19 Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
20 Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng Panginoon, kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
21 Pero may ilan na binalewala ang babala ng Panginoon; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang baston mo sa langit para umulan ng mga yelong parang bato sa buong Egipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.” 23 Kaya itinaas niya ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng kulog, mga yelo na parang bato, at kidlat. Ang mga yelong pinaulan ng Panginoon sa lupain ng Egipto 24 ang pinakamatindi mula nang maging bansa ang Egipto. Habang umuulan, patuloy naman ang pagkidlat. 25 Namatay lahat ang hayop at mga tao na naiwan sa labas, at pati na ang mga halaman at punongkahoy. 26 Tanging sa Goshen lang hindi umulan ng yelo kung saan nakatira ang mga Israelita.
27 Ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Sa pagkakataong ito, inaamin ko na nagkasala ako. Tama ang Panginoon, at ako at ang mga mamamayan ko ang mali. 28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon na itigil na niya ang matinding kulog na ito at ang pag-ulan ng yelo. Paaalisin ko na kayo, hindi na kayo dapat pang manatili rito.”
29 Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa Panginoon para manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, para malaman mo na pag-aari ng Panginoon ang mundo. 30 Pero alam kong ikaw at ang mga opisyal mo ay hindi pa rin natatakot sa Panginoong Dios.”
31 (Nasira ang mga pananim na flax[a] at sebada,[b] dahil aanihin na noon ang sebada at namumulaklak na ang flax. 32 Pero hindi nasira ang mga trigo[c] dahil hindi pa aanihin ang mga ito.)
33 Umalis si Moises sa harapan ng Faraon at lumabas ng lungsod. Itinaas niya ang kanyang kamay sa Panginoon para manalangin at huminto ang kulog, ang pag-ulan ng yelong parang bato at ang ulan. 34 Pagkakita ng Faraon na huminto na ang ulan, ang yelo at ang kulog, muli siyang nagkasala. Nagmatigas siya at ang mga opisyal niya. 35 Sa pagmamatigas niya, hindi niya pinaalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Kayamanan sa Palayok
4 Dahil sa awa ng Dios, pinili niya kami para ipahayag ang kanyang bagong pamamaraan sa pagpapawalang-sala sa mga tao, kaya naman hindi kami pinanghihinaan ng loob. 2 Tinalikuran namin ang mga kahiya-hiya at patagong gawain. Hindi kami nanlilinlang, at hindi rin namin binabaluktot ang salita ng Dios. Pawang katotohanan ang ipinangangaral namin. Alam ito ng Dios, at malinis ang aming konsensya sa harap ng tao. 3 Ngunit kung may mga hindi nakakaintindi sa Magandang Balita na aming ipinapahayag, ito ay ang mga taong napapahamak. 4 Ayaw nilang maniwala sa Magandang Balita dahil ang kanilang mga isipan ay binulag ni Satanas na naghahari sa mundong ito.[a] Binulag niya sila para hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Cristo, na siyang larawan ng Dios. 5 Hindi namin ipinangangaral ang aming mga sarili kundi si Jesu-Cristo, na siyang Panginoon. Naglilingkod kami sa inyo dahil kay Jesus. 6 Sapagkat ang Dios na nagsabing, “Magkaroon ng liwanag sa kadiliman,” ang siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isipan para maunawaan namin ang kapangyarihan ng Dios na nahayag kay Jesu-Cristo.
7 Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito para maipakita na ang hindi mapamarisang kapangyarihan na nasa amin ay mula sa Dios at hindi sa amin. 8 Sa aming pangangaral, ginigipit kami sa lahat ng paraan, pero hindi kami nalulupig. Kung minsan kami ay naguguluhan, pero hindi kami nawawalan ng pag-asa. 9 Maraming umuusig sa amin, ngunit hindi kami pinapabayaan ng Dios. Kung minsaʼy sinasaktan kami, ngunit hindi tuluyang napapatay. 10 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan tulad ng nangyari kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming buhay ay makita rin ang buhay ni Jesus. 11 Lagi kaming nasa bingit ng kamatayan dahil sa paglilingkod namin kay Jesus, para sa pamamagitan ng aming katawang may kamatayan, makita ng lahat ang buhay ni Jesus. 12 Maaaring mamatay kami dahil sa aming pangangaral, pero ito naman ang nagdudulot sa inyo ng buhay na walang hanggan.
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
32 Habang naglalakad sila papuntang Jerusalem, nauna sa kanila si Jesus. Kinakabahan ang mga tagasunod niya at natatakot naman ang iba pang sumusunod sa kanila. Ibinukod ni Jesus ang 12 apostol at muli niyang sinabi kung ano ang mangyayari sa kanya, 33 “Makinig kayo! Papunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan at ibibigay sa mga hindi Judio. 34 Iinsultuhin nila ako, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit muli akong mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw.”
Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(B)
35 Lumapit kay Jesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee at nagsabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36 “Ano ang kahilingan ninyo?” Tanong ni Jesus. 37 Sumagot sila, “Sana po, kapag naghahari na kayo ay paupuin nʼyo kami sa inyong tabi; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya nʼyo bang tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko? Kaya nʼyo ba ang mga hirap na daranasin ko?”[a] 39 Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin ang mga ito. 40 Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o kaliwa ko. Ang mga itoʼy para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
41 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi nina Santiago at Juan, nagalit sila sa kanila. 42 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam nʼyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit ano ang gustuhin nila ay nasusunod. 43 Pero hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 44 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ako, na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para matubos ang maraming tao!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®