Book of Common Prayer
Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa
7 Tungkol naman sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki na huwag gumalaw ng babae.” 2 Subalit dahil sa laganap na pakikiapid, ang bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sarili niyang asawa, at gayundin ang bawat babae. 3 Dapat ibigay ng lalaki sa kanyang asawa ang karapatan nito bilang asawa, at gayundin ang babae sa kanyang asawa. 4 Sapagkat hindi na ang babae ang nagpapasya tungkol sa kanyang katawan, kundi ang kanyang asawa, at hindi na rin ang lalaki ang nagpapasya tungkol sa kanyang sariling katawan, kundi ang kanyang asawa. 5 Huwag ninyong ipagkait ang inyong mga sarili sa isa't isa, malibang may kasunduan kayo sa loob ng maikling panahon upang mailaan ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos nito ay magsiping kayong muli, upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kakulangan ninyo ng pagpipigil sa sarili. 6 Ngunit sinasabi ko ito bilang panukala at hindi bilang utos. 7 Nais ko sanang ang lahat ay maging katulad ko. Subalit ang bawat isa'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba naman ay ganoon.
8 Ngunit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo: mabuti para sa kanila kung sila'y mananatiling kagaya ko. 9 Ngunit kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipag-asawa sila, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-apoy sa pagnanasa.
Pinatigil ni Jesus ang Unos(A)
35 Kinagabihan, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at tumawid ng lawa lulan ng bangkang sinasakyan ni Jesus. May iba pang mga bangkang sumabay sa kanila. 37 Dumating ang isang malakas na unos kaya't hinampas ng malalaking alon ang bangkang kanilang sinasakyan. Halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus nama'y natutulog sa hulihan ng bangka at nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” sabi nila, “wala ba kayong malasakit? Malulunod na tayo!” 39 Bumangon si Jesus, sinaway ang hangin at inutusan ang lawa, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. 40 Sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” 41 Labis silang natakot at sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ito? Pati hangin at tubig ay sumusunod sa kanya?”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.