Book of Common Prayer
Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos
12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(A)
21 Sinabi (B) pa ni Jesus, “Ang ilaw bang sinindihan ay inilalagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan? Hindi ba't inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Sapagkat (C) anumang nakatago ay malalantad, at anumang nalilihim ay mabubunyag. 23 Ang may pandinig ay makinig.” 24 Sinabi rin (D) niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong pinakikinggan. Kung ano ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo, at higit pa roon ang ibibigay sa inyo. 25 Sapagkat (E) ang mayroon na ay bibigyan pa; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”
Ang Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. 27 Natutulog siya at gumigising sa araw at gabi, sumisibol pa rin at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano. 28 Ang lupa sa kanyang sarili ang nagpapasibol sa halaman,[a] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. 29 Kapag (F) hinog na ang bunga, magsusugo agad ang magsasaka ng gagapas sapagkat panahon na ng pag-aani.”
Ang Butil ng Mustasa(G)
30 Nagpatuloy si Jesus, “Saan natin maihahambing ang paghahari ng Diyos? Ano'ng talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? 31 Tulad ito ng binhi ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi. 32 Ngunit kapag ito'y naihasik, lumalaki ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng halaman. Yumayabong ang mga sanga nito, kaya't ang mga ibon ay nakapagpupugad sa lilim nito.”
Ang Paggamit ng mga Talinghaga(H)
33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ipinangaral sa kanila ni Jesus ang Salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya ang lahat nang sarilinan sa kanyang mga alagad.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.