Book of Common Prayer
8 Nasa inyo na ang lahat ng gusto ninyo! Mayayaman na kayo! Naging mga hari kayo kahit wala kami! Naging hari nga sana kayo upang kami ay naging hari ding kasama ninyo. 9 Sapagkat sa palagay ko, kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na pinakahuli sa lahat, tulad ng mga taong nahatulan ng kamatayan, sapagkat kami ay naging isang palabas na pinanonood ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal dahil kay Cristo! Ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas! Kayo ay pinararangalan ngunit kami ay hinahamak! 11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at mga pagala-gala, 12 at nagpapagod kami sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Kapag kami'y nilalait, gumaganti kami ng pagpapala, kapag pinahihirapan, kami'y nagtitiis; 13 at kapag inaalipusta, magalang kaming sumasagot. Hanggang ngayon ay para kaming mga basura ng daigdig, dumi ng lahat ng mga bagay.
14 Hindi ko isinusulat ang mga ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay pagpayuhan bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit magkaroon pa kayo kay Cristo ng libu-libong mga tagapagturo ay hindi naman marami ang inyong ama; sapagkat kay Cristo Jesus ako ang naging ama ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya't nakikiusap ako, tumulad kayo sa akin. 17 Dahil dito, pinapunta ko sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking pagtalima kay Cristo Jesus[a] katulad ng itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. 18 Ngunit may mayayabang na para bang hindi na ako darating sa inyo. 19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at malalaman ko, hindi lamang ang sinasabi ng mga taong nagyayabang diyan, kundi ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita lamang, kundi sa kapangyarihan. 21 Ano'ng gusto ninyo? Pumunta ako riyan na may dalang pamalo, o may pagmamahal at may kaamuan?
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagtungo sa lawa. Sumunod sa kanila ang napakaraming tao mula sa Galilea. 8 Nang mabalitaan ang lahat ng ginagawa niya, nagdatingan ang napakaraming tao mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. 9 Nagpahanda (A) si Jesus ng isang bangkang magagamit upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Dahil marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit para lang mahawakan siya. 11 At tuwing makikita siya ng maruruming espiritu, nagpapatirapa ang mga ito sa kanyang harapan at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit silang pinagbawalan ni Jesus na sabihin kung sino siya.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawa(B)
13 Umakyat si Jesus sa bundok, tinawag niya ang kanyang mga pinili, at lumapit ang mga ito sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag din niyang mga apostol][a] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, 15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na pinangalanan niyang Pedro; 17 si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo na binansagan niyang Boanerges, ibig sabihi'y mga Anak ng Kulog; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; 19 at si Judas Iscariote na nagkanulo sa kanya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.