Book of Common Prayer
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil[a] ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
55 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)[b]
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)[c]
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David.
138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
2 Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
3 Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
4 Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
5 ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
6 Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
7 Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
8 O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2 Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3 Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4 Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5 Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6 Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
7 Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
Sa iyo bang Espiritu,[a] ako ba'y makakaiwas?
8 Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
9 kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10 tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11 Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12 maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16 Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
19 Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20 Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21 Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22 Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
23 O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
Ipinaliwanag ni Jose ang mga Panaginip ng Faraon
41 Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. 2 Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. 3-4 Umahon din mula sa ilog na iyon ang pitong pangit at payat na baka. Lumapit ang mga ito at kinain ang pitong matatabang baka. At nagising ang Faraon. 5 Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. 6 Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. 7 Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. 8 Pagsapit(A) ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito.
9 Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. 10 Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, 11 kami po'y parehong nanaginip. 12 Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. 13 Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.”
Mga Apostol ni Cristo
4 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Malinis(A) ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.
6 Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ninyong ipagmalaki ang isang tao upang hamakin ang iba. 7 Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo?
Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(A)
23 Isang(B)(C) Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng trigo. 24 Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!”
25-26 Sinagot(D) naman sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon.”
27 Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.”
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(E)
3 Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2 Pinagmasdan ng ilang taong naroroon kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” 4 Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”
Ngunit hindi sila sumagot. 5 Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nagalit siya at nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. 6 Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.
by