Book of Common Prayer
14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Mga Kamanggagawa para sa Diyos
3 Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2 Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, 3 sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? 4 Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? 5 Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. 9 Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy.
Ang Pagpapagaling sa Paralitiko(A)
2 Nang magbalik si Jesus sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balitang siya'y nasa kanilang bahay. 2 Nagtipon doon ang maraming tao, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. Ipinangangaral niya sa kanila ang salita. 3 Dumating ang apat na lalaking may buhat na lalaking paralitiko. 4 Dahil sa dami ng tao ay hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus, kaya't binakbak nila ang bubungan sa tapat niya. Pagkatapos nito'y ibinaba nila ang paralitikong nakaratay sa higaan. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.” 6 Ang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon ay nag-iisip ng ganito: 7 “Bakit ganyan ang salita ng taong iyan? Kalapastanganan iyan! Hindi ba't Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan?” 8 Kaagad nabatid ni Jesus sa kanyang kalooban ang tanong sa kanilang pag-iisip, kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9 Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’ 10 Ngunit upang malaman ninyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa paralitiko, 11 “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 12 Bumangon nga ang lalaki, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Dahil dito'y namangha ang lahat at niluwalhati ang Diyos. Sinabi nila, “Wala pa kaming nakitang tulad nito!”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.