Book of Common Prayer
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos na lumikha sa lahat at siyang patutunguhan ng lahat ng mga bagay ay nagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, at gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa. 11 Sapagkat iisa ang pinagmulan ng gumagawang banal at ng mga ginawang banal. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(A) niya,
“Ipahahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
aawitan kita ng mga himno sa gitna ng kapulungan.”
13 At (B) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
Sinabi din niya,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang nakikibahagi ang mga anak sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo, 15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay nasa ilalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila. 16 Sapagkat (C) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang mga nagmula sa binhi ni Abraham. 17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na Kataas-taasang Pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Palibhasa'y naranasan niyang tuksuhin, siya'y may kakayahang tumulong sa mga tinutukso.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.