Book of Common Prayer
3 Pag-ukulan ninyo ng pansin si Jesus na nagtiis ng ganoong matinding poot mula sa mga makasalanan, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.
4 Hindi pa umaabot sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. 5 Nakalimutan (A) na ninyo ang salitang nagpapalakas ng loob sa inyo bilang mga anak,
“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang pagtutuwid ng Panginoon;
huwag manghina ang iyong loob kung ikaw ay kanyang sinasaway;
6 sapagkat ang minamahal ng Panginoon ay kanyang itinutuwid,
at ang bawat itinuturing na anak ay hinahagupit.”
7 Magtiis kayo alang-alang sa pagtutuwid. Mga anak ang turing sa inyo ng Diyos; mayroon bang anak na hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung hindi kayo dinidisiplina, at lahat naman ay dinidisiplina, kayo'y mga anak sa labas, at hindi tunay na mga anak. 9 Bukod dito, tayo bilang tao ay mayroong mga magulang na dumidisiplina sa atin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? 10 Dinidisiplina tayo ng ating mga magulang sa maikling panahon ayon sa kung ano ang sa tingin nila ay mabuti sa atin. Gayundin naman, dinidisiplina tayo ng Diyos para sa ikabubuti natin, upang tayo'y maging banal ding katulad niya. 11 Lahat ng disiplina habang dinaranas ay tila hindi kanais-nais kundi masakit; subalit pagkatapos, ito ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga sinanay dito.
7 Pagkatapos ng mga ito naglakbay si Jesus sa Galilea. Iniwasan niyang dumaan sa Judea, sapagkat gusto siyang patayin ng mga Judio roon. 2 (A)Malapit na noon ang pista ng mga Kubol na ipinagdiriwang ng mga Judio. 3 Kaya sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Umalis ka na at pumunta ka sa Judea, upang makita ng mga alagad mo ang mga ginagawa mo. 4 Sapagkat hindi gumagawa nang palihim ang sinumang nagnanais na makilala. Dahil ginagawa mo ang mga ito, ilantad mo ang iyong sarili sa lahat.” 5 Sapagkat maging ang mga kapatid niya ay hindi naniwala sa kanya. 6 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ito ang panahon ko, ngunit ang panahon ninyo ay laging naririyan. 7 Hindi kayo kamumuhian ng sanlibutan, ngunit namumuhi ito sa akin dahil nagpapatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. 8 Kayo na lang ang magpunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” 9 Pagkasabi niya ng mga ito, nagpaiwan siya sa Galilea. 10 Subalit pagkaalis ng kanyang mga kapatid patungo sa pista, pumunta din siya nang palihim at walang pinagsabihan sinuman. 11 Hinahanap siya ng mga Judio sa pista at ipinagtanong kung nasaan siya. 12 At maraming usap-usapan tungkol sa kanya ang mga tao. Ang ilan ay nagsabi, “Siya ay mabuting tao.” Ang sabi naman ng iba, “Inililigaw niya ang mga tao.” 13 Gayunman, walang Judiong nagsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa kanilang mga pinuno.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.