Book of Common Prayer
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, nanumpa ang Diyos sa kanyang sarili dahil wala na siyang panunumpaan na higit pa sa kanya. 14 Sinabi (A) niya, “Tinitiyak ko na lubos kitang pagpapalain at ang iyong lahi ay aking pararamihin.” 15 Kaya't pagkatapos ng matiyagang paghihintay, tinanggap ni Abraham ang ipinangako. 16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagpapatibay sa bawat usapin. 17 Kaya, noong ninais ng Diyos na ipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang layunin, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. At dahil sa dalawang bagay na ito na di-mababago, tayong nakatagpo ng kanlungan ay magkaroon ng lakas ng loob na panghawakan ang pag-asang nasa ating harapan. 19 Taglay (B) natin ang pag-asang ito bilang tiyak at matibay na angkla ng ating kaluluwa, isang pag-asa na umaabot sa Kabanal-banalang Dako sa kabila ng tabing ng Templo. 20 Doon (C) ay nauna nang pumasok si Jesus alang-alang sa atin, yamang siya’y naging Kataas-taasang Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Si Jesus at ang Babaing Taga-Samaria
4 Nang malaman ni Jesus na narinig ng mga Fariseo na siya ay nakahihikayat ng mas maraming alagad at nagbabautismo ng mas marami kaysa kay Juan— 2 bagama't hindi naman si Jesus ang nagbabautismo kundi ang kanyang mga alagad,— 3 umalis siya ng Judea at nagtungo muli sa Galilea. 4 Kailangan niyang dumaan sa Samaria, 5 (A)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. 6 Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[a] na noon 7 nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” 8 (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) 9 (B)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.