Book of Common Prayer
Si Cristo, Ang Pangunahin sa Lahat
15 Siya ang larawan ng Diyos na di-nakikita, ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha; 16 sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan niya. 18 Siya (A) ang ulo ng katawan, ang iglesya. Siya ang pasimula, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, upang sa lahat ng bagay ay siya ang maging kataas-taasan. 19 Sapagkat ikinalugod ng Diyos na ang kanyang buong kalikasan ay manirahan kay Cristo, 20 at (B) sa pamamagitan niya ay ipagkasundo sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, nasa lupa man o sa langit, na sa pamamagitan ng kanyang dugo na dumanak sa krus ay nakamtan ang kapayapaan.
21 At kayo, dati'y napakalayo, mga sumasalungat sa kanya sa inyong pag-iisip at namumuhay sa masasamang gawa. 22 Ngayon ay ipinakipagkasundo niya kayo sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang katawang laman na namatay, upang sa paningin ng Diyos kayo'y maiharap na mga banal, hindi mapaparatangan ng anuman at walang dungis, 23 kung kayo nga'y nananatili sa pananampalataya, naninindigang mabuti, matatag at hindi natitinag sa pag-asang mula sa ebanghelyo. Ito'y inyong narinig at naipangaral na sa lahat ng tao sa silong ng langit; para sa ebanghelyong ito, akong si Pablo ay naging lingkod.
37 (A)Sa huli at natatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at sumigaw. Sinabi niya, “Lumapit sa akin ang sinumang nauuhaw at uminom. 38 (B)Ang sumasampalataya sa akin, tulad ng sinabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang ilog ng tubig ng buhay.’ ” 39 Sinabi niya ito tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naibibigay ang Espiritu, sapagkat hindi pa naluluwalhati si Jesus. 40 Nang marinig ng ilang tao ang mga salitang ito, sinabi nila, “Tunay na ito nga ang propeta.” 41 Ang iba’y nagsabi, “Ito ang Cristo.” Subalit sinabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo? 42 (C)Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lahi ni David at sa Bethlehem na pinanggalingan ni David?” 43 Kaya nagkaroon ng pagkakahati sa mga tao dahil sa kanya. 44 May ilang nais dumakip sa kanya, subalit walang nangahas na gawin iyon.
45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at mga Fariseo na nagsabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dala?” 46 Sumagot ang mga kawal, “Wala pa pong nakapagsasalita na tulad ng taong iyon.” 47 Tinanong sila ng mga Fariseo, “Pati ba kayo ay nalinlang na? 48 Mayroon bang mga pinuno o mga Fariseong naniwala sa kanya? 49 Ngunit ang mga taong ito na walang nalalaman sa kautusan ay mga sinumpa.” 50 (D)Si Nicodemo na nagpunta noon kay Jesus, at isa rin sa mga kasamahan nila, ay nagsabi sa kanila, 51 “Hinuhusgahan ba ng batas natin ang isang taong hindi man lamang natin napapakinggan at inaalam ang kanyang ginagawa?” 52 Sumagot sila sa kanya, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka at malalaman mong walang propetang magmumula sa Galilea.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.