Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 45

Awit sa Maharlikang Kasalan

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.

45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
    habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
    panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.

Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
    kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
    ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
    sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!

Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
    alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
    tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
    susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.

Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
    isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
    higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
    mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
    inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
    samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
    palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.

10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
    ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
    siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
    pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.

13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
    sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
    mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
    nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.

16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
    kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
    kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!

Mga Awit 47-48

Kataas-taasang Hari

Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
    Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
    siya'y naghahari sa sangkatauhan.
Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
    sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
Siya ang pumili ng ating tahanan,
    ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]

Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
    sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
    awitan ang hari, siya'y papurihan!
Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
    awita't purihin ng mga nilikha!

Maghahari siya sa lahat ng bansa,
    magmula sa tronong banal at dakila.
Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
    sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
    lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.

Zion, ang Bayan ng Diyos

Awit na katha ng angkan ni Korah.

48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
    sa loob ng muog ng banal na bayan.

Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
    upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
    pawang nagsitakas at nahintakutan.
Ang nakakatulad ng pangamba nila
    ay pagluluwal ng butihing ina.
Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.

Sa banal na lunsod ay aming namasid
    ang kanyang ginawa na aming narinig;
    ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[b]

Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
    nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
    sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11     Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
    dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.

12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13     ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14     na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
    sa buong panahon siya ang patnubay.

Zacarias 2

Ang Pangitain tungkol sa Lalaking may Panukat

Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”

“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.

Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.”

Tinawagan ang mga Dinalang-bihag

“Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!”

Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.”

10 Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.”

11 Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. 12 Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem.

13 Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan.

Pahayag 3:14-22

Ang Mensahe para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea:

“Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. 15 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit. 16 Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! 17 Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad. 18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. 19 Sinasaway(B) ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. 20 Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya. 21 Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.

22 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”

Mateo 24:32-44

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(A)

32 “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang[a] dumating, halos naririto na. 34 Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.”

Walang Nakakaalam ng Araw o Oras(B)

36 “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit [o maging ang Anak man].[b] Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. 37 Ang(C) pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi(D) nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Unawain(E) ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.