Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
IKALAWANG AKLAT
Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.
42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
2 Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
3 Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
“Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”
4 Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
5 Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.
6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
7 Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
8 Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.
9 Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
“Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
habang sila'y nagtatanong,
“Ang Diyos mo ba ay nasaan?”
11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)
43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
2 Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?
3 Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
4 Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
5 Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!
7 Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.
11 Ito ang nilalaman ng liham:
“Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates.
12 “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. 13 Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. 14 Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo 15 upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. 16 Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”
17 Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:
“Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo.
18 “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. 19 Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. 20 Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. 21 Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. 22 Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.”
23 Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod.
Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo
24 Napahinto(A) nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.
1 Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid—
Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, 2 at(A) para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming[a] kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming[b] kawal sa Panginoon.
3 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin 5 sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. 6 Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng mas malalim na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. 7 Kapatid, ang pagmamahal mo ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo ay sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos.
Kahilingan para kay Onesimo
8 Kaya nga, bagaman bilang kapatid mo kay Cristo ay malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin, 9 mas minabuti kong makiusap sa iyo sa ngalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya,[c] 10 ay(B) nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. 11 Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo,[d] ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa.
12 Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. 13 Nais ko sanang manatili siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. 14 Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan.
15 Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, at lalo siyang mapapamahal sa iyo, ngayong hindi mo lamang siya alipin, kundi isa nang kapatid sa Panginoon!
17 Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. 18 Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. 19 Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, ipagkaloob mo na sa akin ito. Pasayahin mo ako bilang kapatid kay Cristo.
21 Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. 22 Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin.
Pangwakas na Pagbati
23 Kinukumusta(C) ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. 24 Kinukumusta(D) ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain.
25 Nawa'y sumainyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Sa Bunga Nakikilala(A)
33 “Sinasabi(B) ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. 34 Lahi(C) ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. 35 Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso.
36 “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. 37 Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.”
Hinanapan si Jesus ng Palatandaan(D)
38 Sinabi(E) naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” 39 Sumagot(F) si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung(G) paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. 41 Sa(H) Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. 42 Sa(I) araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.