Book of Common Prayer
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh
(Nun)
105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh
(Samek)
113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.
Awit sa Araw ng Kapistahan
Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
2 Umawit sa saliw ng mga tamburin,
kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
3 Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
4 Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
5 Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.
Ganito ang wika na aking narinig:
6 “Mabigat mong dala'y aking inaalis,
ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
7 Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
8 Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
sana'y makinig ka, O bansang Israel.
9 Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.
11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”
Diyos ang Kataas-taasang Hari
Awit ni Asaf.
82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
2 “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[c]
3 Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
4 Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!
5 “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
6 Ang(D) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
7 ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”
8 O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!
Pinalutang ang Talim ng Palakol
6 Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propetang pinapamahalaan niya. Sinabi nila, “Maliit na po para sa amin ang aming tirahan. 2 Kung papayag kayo, pupunta kami sa Jordan at puputol kami roon ng kahoy na gagawin naming bahay.” Pumayag naman si Eliseo.
3 Sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.”
“Sige, sasama ako,” sagot niya. 4 At pumunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy.
5 Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, “Guro, anong gagawin ko ngayon? Hiniram ko po lamang iyon.”
6 Itinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihagis niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol. 7 Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” Inabot naman iyon ng lalaki.
Si Eliseo at ang mga Taga-Siria
8 Minsan, binalak ng hari ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon rin niya ang kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila ang kanyang napiling lugar na pagkakampuhan. 9 Ngunit ipinasabi ito ni Eliseo sa hari ng Israel. Binalaan niya ito, “Huwag na huwag kayong pupunta sa naturang lugar sapagkat nag-aabang doon ang mga taga-Siria.” 10 At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay.
11 Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?”
12 Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.”
13 Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.”
May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan, 14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod.
15 Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?”
16 Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” 17 At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.
18 Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo. 19 Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria.
20 Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria.
21 Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?”
22 Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.” 23 Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel.
9 Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. 10 Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao.
12-13 Wala akong karapatang humatol sa mga hindi Cristiano; ang Diyos ang hahatol sa kanila. Ngunit hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesya? Sabi nga sa kasulatan, “Itiwalag ninyo ang masamang tao.”
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
6 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya.
Katuruan Laban sa Paghihiganti(A)
38 “Narinig(B) ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,[a] pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”
Pagmamahal sa Kaaway(C)
43 “Narinig(D) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(E) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.
46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(F) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.