Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 119:145-176

COPH.

145 Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon:
Iingatan ko ang iyong mga palatuntunan.
146 Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako,
At aking tutuparin ang mga patotoo mo.
147 (A)Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako:
Ako'y umasa sa iyong mga salita.
148 (B)Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi,
Upang aking magunita ang salita mo.
149 Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob:
(C)Buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan.
150 Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit;
Sila'y malayo sa iyong kautusan.
151 (D)Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; At (E)lahat mong utos ay katotohanan.
152 Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo,
Na iyong (F)pinamalagi magpakailan man.

RESH.

153 (G)Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako;
Sapagka't hindi ko kinalilimutan (H)ang iyong kautusan.
154 (I)Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako:
Buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
155 Kaligtasan ay (J)malayo sa masama;
Sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo.
156 Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon:
(K)Buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan.
157 Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko;
Gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo.
158 Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at (L)ako'y namanglaw;
Sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo.
159 Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo:
Buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob.
160 Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan;
At bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man.

SIN.

161 Inusig ako (M)ng mga pangulo ng walang kadahilanan;
Nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita.
162 Ako'y nagagalak sa iyong salita,
(N)Na parang nakakasumpong ng malaking samsam.
163 Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling;
Nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig.
164 Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo,
Dahil sa iyong matutuwid na kahatulan.
165 (O)Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan.
At sila'y walang kadahilanang ikatitisod.
166 Ako'y umasa sa (P)iyong pagliligtas, Oh Panginoon.
At ginawa ko ang mga utos mo.
167 Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo;
At iniibig kong mainam,
168 Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo;
(Q)Sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo.

TAU.

169 Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon:
Bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita.
170 Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik:
Iligtas mo ako ayon sa iyong salita.
171 Tulutang magbadya ng pagpuri ang (R)aking mga labi;
Sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
172 Awitin ng aking dila ang iyong salita;
Sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran.
173 Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako;
Sapagka't aking pinili ang (S)iyong mga tuntunin.
174 Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon:
At ang (T)iyong kautusan ay aking kaaliwan.
175 Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo;
At tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan.
176 (U)Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod;
Sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.

Mga Awit 128-130

Ang kapalaran ng katakutan sa Panginoon. Awit sa mga Pagsampa.

128 Mapalad ang (A)bawa't isa na natatakot sa Panginoon,
Na lumalakad sa kaniyang mga daan.
(B)Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay:
Magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo.
Ang asawa mo'y magiging (C)parang mabungang puno ng ubas,
Sa mga pinaka-loob ng iyong bahay:
Ang mga anak mo'y (D)parang mga puno ng olibo, Sa palibot ng iyong dulang.
Narito, na ganito nawa pagpalain ang tao,
Na natatakot sa Panginoon.
(E)Pagpapalain ka ng Panginoon mula sa Sion:
At iyong makikita ang buti ng Jerusalem sa lahat na kaarawan ng iyong buhay.
Oo, iyong (F)makikita ang mga (G)anak ng iyong mga anak.
Kapayapaan nawa'y suma Israel.

Panalangin upang malupig ang kaaway ng Sion. Awit sa mga Pagsampa.

129 Madalas na ako'y dinalamhati nila mula sa (H)aking kabataan,
(I)Sabihin ngayon ng Israel,
Madalas na ako'y dinalamhati nila mula sa aking kabataan:
(J)Gayon ma'y hindi sila nanganaig laban sa akin.
Ang mga mangaararo ay nagsiararo (K)sa aking likod;
Kanilang pinahaba ang kanilang bungkal.
Ang Panginoon ay matuwid:
Kaniyang pinutol ang mga (L)panali ng masama.
Mapahiya sila at magsitalikod,
Silang lahat na nangagtatanim ng loob sa Sion.
Sila'y maging (M)parang damo sa mga bubungan,
Na natutuyo bago lumaki:
Na hindi pinupuno ng manggagapas ang kaniyang kamay niyaon,
Ni siyang nagtatali man ng mga bigkis, ang kaniyang sinapupunan.
Hindi man sinasabi ng nagsisipagdaan,
(N)Ang pagpapala ng Panginoon, ay sumainyo nawa;
Binabasbasan namin kayo sa pangalan ng Panginoon.

Pagasa sa pagpapatawad ng Panginoon. Awit sa mga Pagsampa.

130 Mula sa (O)mga kalaliman ay dumaing ako sa iyo, Oh Panginoon.
Panginoon, dinggin mo ang aking tinig:
Pakinggan ng iyong mga pakinig
Ang tinig ng aking mga pamanhik.
Kung ikaw, Panginoon, (P)magtatanda ng mga kasamaan,
Oh Panginoon, sinong (Q)tatayo?
Nguni't may (R)kapatawarang taglay ka,
(S)Upang ikaw ay katakutan.
(T)Aking hinihintay ang Panginoon, hinihintay ng aking kaluluwa,
At (U)sa kaniyang salita ay umaasa ako.
Hinihintay ng (V)aking kaluluwa ang Panginoon,
Ng higit kay sa paghihintay ng bantay sa umaga;
Oo, higit kay sa bantay sa umaga.
Oh Israel, (W)umasa ka sa Panginoon;
Sapagka't sa Panginoon ay may kagandahang-loob.
(X)At kaniyang tutubusin ang Israel
Sa lahat niyang kasamaan.

2 Samuel 18:19-23

Nagpadala ng sugo kay David.

19 Nang magkagayo'y sinabi ni (A)Ahimaas na anak ni Sadoc, Patakbuhin mo ako ngayon, at magdala ng balita sa hari, kung paanong iginanti siya ng Panginoon sa kaniyang kaaway.

20 At sinabi ni Joab sa kaniya, Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito: kundi magdadala ka ng balita sa ibang araw: nguni't sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagka't ang anak ng hari ay namatay.

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, Yumaon ka na saysayin mo sa hari kung ano ang iyong nakita. At ang Cusita ay yumukod kay Joab, at tumakbo.

22 Nang magkagayo'y nagsabi pa uli si Ahimaas na anak ni Sadoc kay Joab, Nguni't sa anomang kahinatnan, isinasamo ko sa iyo, na ako naman ay iyong patakbuhin na kasunod ng Cusita. At sinabi ni Joab, Bakit tatakbo ka, anak ko, dangang wala kang mapapala ng dahil sa balita?

23 Nguni't sa anomang kahinatnan, ako'y tatakbo. At sinabi niya sa kaniya, Tumakbo ka. Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaas sa daan (B)ng kapatagan, at inunahan ang Cusita.

Mga Gawa 23:23-35

23 At kaniyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, Ihanda ninyo ang dalawang daang kawal upang magsiparoon hanggang sa (A)Cesarea, at pitong pung kabayuhan, at dalawang daang sibatan, sa ikatlong oras ng gabi:

24 At pinapaghanda niya sila ng mga hayop, upang mapagsakyan kay Pablo, at siya'y maihatid na walang panganib kay Felix na gobernador.

25 At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito:

26 Si Claudio Lisias sa kagalanggalang na gobernador Felix, (B)bumabati.

27 Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin na lamang sana nila, nang dumalo akong (C)may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko, (D)nang mapagtantong siya'y isang taga Roma.

28 At sa pagkaibig kong mapagunawa ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay ipinanaog ko siya sa kanilang Sanedrin:

29 Na nasumpungan ko na siya'y kanilang isinasakdal (E)sa mga suliranin tungkol sa kanilang kautusan, datapuwa't (F)walang anomang sakdal laban sa kaniya na marapat sa kamatayan o sa tanikala.

30 At (G)nang ipakilala sa akin na may banta laban sa taong iyan, ay ipinadala ko siya agad sa iyo, na aking ipinagbilin din sa mga sa kaniya'y nangagsasakdal na mangagsalita sa harapan mo laban sa kaniya.

31 Kaya't ang mga kawal, alinsunod sa iniutos sa kanila, ay kinuha si Pablo at dinala siya sa gabi sa Antipatris.

32 Datapuwa't nang kinabukasan ay pinabayaan nilang samahan siya ng mga kabayuhan, at nangagbalik sa kuta:

33 At sila, nang sila'y magsidating sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, ay iniharap din si Pablo sa harapan niya.

34 At nang mabasa niya ito, ay itinanong niya kung taga saang (H)lalawigan siya; at nang maalamang siya'y taga (I)Cilicia,

35 Pakikinggan kitang lubos, ang sabi niya, pagdating naman ng mga nagsisipagsakdal sa iyo: at ipinagutos na siya'y ingatan sa palasio ni Herodes.

Marcos 12:13-27

13 At kanilang (A)sinugo sa kaniya ang ilan sa mga Fariseo at sa mga Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita.

14 At nang sila'y magsilapit, ay kanilang sinabi sa kaniya, Guro, nalalaman namin na ikaw ay totoo, at hindi ka nangingimi kanino man; sapagka't hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios: Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi?

15 Bubuwis baga kami, o hindi kami bubuwis? Datapuwa't siya, na nakatataho ng kanilang pagpapaimbabaw, ay nagsabi sa kanila, (B)Bakit ninyo ako tinutukso? magdala kayo rito sa akin ng isang denario, upang aking makita.

16 At dinalhan nila. At sinabi niya sa kanila, Kanino ang larawang ito at ang nasusulat? At sinabi nila sa kaniya, kay Cesar.

17 At sinabi sa kanila ni Jesus, ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar, at sa Dios ang sa Dios. At sila'y nanggilalas na mainam sa kaniya.

18 At nagsilapit sa kaniya ang mga Saduceo, na nangagsasabi na walang pagkabuhay na maguli; at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi,

19 Guro, isinulat sa amin ni Moises, (C)Kung ang kapatid na lalake ng isang lalake ay mamatay, at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, ay kukunin ng kaniyang kapatid ang kaniyang asawa, at bigyan ng anak ang kaniyang kapatid.

20 May pitong lalaking magkakapatid: at nagasawa ang panganay, at nang mamatay ay walang naiwang anak;

21 At nagasawa sa bao ang pangalawa, at namatay na walang naiwang anak; at gayon din naman ang pangatlo:

22 At ang ikapito'y walang naiwang anak. Sa kahulihulihan ng lahat ay namatay naman ang babae.

23 Sa pagkabuhay na maguli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? sapagka't siya'y naging asawa ng pito.

24 Sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi kaya nangagkakamali kayo dahil diyan, na hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Dios?

25 Sapagka't sa pagbabangon nilang muli sa mga patay, ay hindi na mangagaasawa, ni papagaasawahin pa; kundi gaya ng mga anghel sa langit.

26 Nguni't tungkol sa mga patay, na sila'y mga ibabangon; hindi baga ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol (D)sa Mababang punong kahoy, kung paanong siya'y kinausap ng Dios na sinasabi, (E)Ako ang Dios ni Abraham, at ang Dios ni Isaac, at ang Dios ni Jacob?

27 Hindi siya ang Dios ng mga patay, kundi ng mga buhay: kayo'y nangagkakamaling lubha.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978