Book of Common Prayer
Awit ni Solomon.
72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
2 Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
at ang iyong dukha ng may katarungan!
3 Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
at ang mga burol, sa katuwiran!
4 Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
at ang mapang-api ay kanyang durugin!
5 Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
6 Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7 Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.
8 Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
9 Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!
12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.
15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.
20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.
JOD.
73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
upang huwag akong mapahiya.
CAPH.
81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
LAMED.
89 Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
Ang Awit ni Moises
30 Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel:
32 “Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita,
at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.
2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan;
ang aking salita ay bababa na parang hamog;
gaya ng ambon sa malambot na damo,
at gaya ng mahinang ambon sa pananim.
3 Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon;
dakilain ninyo ang ating Diyos!
4 “Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal;
sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan.
Isang Diyos na tapat at walang kasamaan,
siya ay matuwid at banal.
5 Sila'y nagpakasama,
sila'y hindi kanyang mga anak, dahilan sa kanilang kapintasan;
isang lahing liko at tampalasan.
6 Ganyan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,
O hangal at di-matalinong bayan?
Hindi ba siya ang iyong ama na lumalang sa iyo?
Kanyang nilalang ka, at itinatag ka.
7 Alalahanin mo ang mga naunang araw,
isipin mo ang mga taon ng maraming salinlahi;
itanong mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo;
sa iyong matatanda, at kanilang sasabihin sa iyo.
8 Nang(A) ibigay ng Kataas-taasan sa mga bansa ang kanilang pamana,
nang kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao,
kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan,
ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
9 Sapagkat ang bahagi ng Panginoon ay ang kanyang bayan;
si Jacob ang bahaging pamana niya.
10 “Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain,
at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang;
kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya,
kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata.
11 Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad,
na pumapagaspas sa kanyang mga inakay,
kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila,
kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak:
12 tanging ang Panginoon ang pumapatnubay sa kanya,
at walang ibang diyos na kasama siya.
13 Kanyang pinasakay siya sa matataas na dako ng lupa,
at siya'y kumain ng bunga ng bukirin,
at kanyang pinainom ng pulot na mula sa bato,
at ng langis na mula sa batong kiskisan.
14 Ng mantika mula sa baka, at gatas mula sa tupa,
na may taba ng mga kordero,
at ng mga tupang lalaki sa Basan, at mga kambing,
ng pinakamabuti sa mga trigo;
at sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
21 Sa aking kahihiyan ay dapat kong sabihin, napakahina namin sa ganito! Ngunit kung ang sinuman ay malakas ang loob na nagmamalaki—ako ay nagsasalita bilang hangal—malakas din ang loob ko na ipagmalaki iyon.
22 Sila ba'y mga Hebreo? Ako man. Sila ba'y mga Israelita? Ako man. Sila ba'y mga binhi ni Abraham? Ako man.
23 Sila(A) ba'y mga ministro ni Cristo? (Ako'y nagsasalita na parang isang baliw.) Lalo pa ako na mas maraming pagpapagal, mas maraming pagkabilanggo, ng di mabilang na bugbog, at malimit na mabingit sa kamatayan.
24 Sa(B) mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit, kulang ng isa.
25 Tatlong(C) ulit na ako'y hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako'y nasa laot;
26 nasa(D) madalas na paglalakbay, nasa panganib sa mga ilog, panganib sa mga magnanakaw, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lunsod, panganib sa mga ilang, panganib sa dagat, panganib kasama ng mga huwad na kapatid;
27 sa pagpapagal at hirap, sa mga pagpupuyat, sa gutom at uhaw, madalas na walang pagkain, giniginaw at hubad.
28 Bukod sa mga bagay na nasa labas, ako'y araw-araw na nabibigatan sa alalahanin para sa mga iglesya.
29 Sino ang mahina, at ako ba'y hindi mahina? Sino ang natitisod, at ako'y di nag-iinit?
30 Kung kailangang ako'y magmalaki, ako'y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.
31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus (siyang pinupuri magpakailanpaman) ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.
32 Sa(E) Damasco, binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang lunsod ng Damasco upang ako'y dakpin,
33 subalit ako'y ibinaba sa isang tiklis palabas sa isang bintana sa pader at nakatakas sa kanyang mga kamay.
Ang Talinghaga ng Sampung Mina[a](A)
11 Samantalang(B) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.
12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.
13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’
14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’
15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.
16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’
17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’
18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’
19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’
20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;
21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’
22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.
23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’
24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’
25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’
26 ‘Sinasabi(C) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001