Book of Common Prayer
28 At alam nating ang Diyos ay gumagawa ng lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, sa kanilang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat ang mga kinilala niya noong una pa man ay itinalaga rin niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 At ang mga itinalaga niya ay kanya ring tinawag, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid; at ang mga itinuring niyang matuwid ay niluwalhati rin niya.
Ang Pag-ibig ng Diyos
31 Ano ngayon ang ating sasabihin tungkol sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang makalalaban sa atin? 32 Kung hindi niya ipinagkait ang sariling Anak kundi ibinigay siya para sa ating lahat, hindi kaya kasama rin niyang ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ngayon ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos? Ang Diyos ang nagtuturing na matuwid. 34 Sino ang hahatol upang ang tao'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay ngunit muling binuhay, na ngayon ay nasa kanan ng Diyos at siya ring namamagitan para sa atin? 35 Mayroon bang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, kapighatian, pag-uusig, taggutom, kahubaran, panganib, o ang tabak? 36 Gaya (A) ng nasusulat,
“Dahil sa iyo'y maghapon kaming nabibingit sa kamatayan;
itinuring kaming mga tupa sa katayan.”
37 Subalit sa lahat ng mga ito tayo'y lubos na nagtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat lubos akong naniniwala na kahit kamatayan o buhay, mga anghel, mga pamunuan, mga bagay na kasalukuyan, mga bagay na darating, maging mga kapangyarihan, 39 kataasan, o kalaliman, o kahit anumang bagay na nilikha ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio na nagsasabing, “Paano ibibigay ng taong ito ang kanyang katawan para kainin natin?” 53 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat tunay na pagkain ang aking katawan, at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako ay mananatili rin sa kanya. 57 Kung paanong sinugo ako ng buhay na Ama at nabubuhay ako dahil sa Ama, ganoon din naman, ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng inyong mga ninuno na namatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Ito ang mga sinabi niya nang siya'y magturo sa bahay-pulungan ng mga Judio sa Capernaum.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.