Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 38

Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap

Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
    O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
    at iyong mga kamay, hinampas sa akin.

Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
    dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
    mabigat na lubha itong aking dala.

Malabis ang paglala nitong aking sugat,
    dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
Wasak at kuba na ang aking katawan;
    sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
    lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
    puso'y dumaraing sa sakit na taglay.

O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
    ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
    ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
    dahil sa sugat ko sa aking katawan;
    lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
    ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
    maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.

13 Para akong bingi na di makarinig,
    at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
    walang marinig katulad ng isang bingi.

15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
    aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
    sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
    mahapdi't makirot ang aking katawan.

18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
    mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
    wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
    dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.

21 Yahweh, huwag akong iiwan;
    maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!

Mga Awit 119:25-48

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Daleth)

25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
    ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
    iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
    sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
    pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
    sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
    huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
    dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.

Panalangin Upang Makaunawa

(He)

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
    at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
    buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
    pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
    higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
    at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
    ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
    sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
    pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.

Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh

(Vav)

41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
    ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
    yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
    pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
    yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
    hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
    di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
    sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.

Ecclesiastico 7:4-14

Huwag kang humingi sa Panginoon ng kapangyarihan,
    o humiling sa hari ng mataas na tungkulin.
Huwag mong igiit sa Panginoon na ikaw ay matuwid,
    o magpanggap na marunong sa harap ng hari.
Huwag kang maghangad na maging hukom
    kung wala kang tibay ng loob na panindigan ang katarungan.
Kapag nasindak ka sa babala ng makapangyarihan,
    baka mawalan ka ng karangalan sa paningin ng madla.
Huwag kang gagawa ng masama laban sa sambayanan,
    nang hindi ka kasuklaman ng iyong mga kababayan.

Huwag mo nang balikan ang dati mong kasalanan,
    magbago ka sa unang parusa pa lamang.
Huwag mong sabihing, “Pahahalagahan ng Panginoon ang aking pagsuyo,
    at lagi niyang tatanggapin ang bawat handog ko sa kanya.”
10 Huwag kang manghihinawang manalangin,
    at huwag mong kaliligtaan ang pagkakawanggawa.
11 Huwag mong pagtatawanan ang nasa kasawian;
    ang Panginoong nagpahintulot na siya'y mabigo, ang siya ring magkakaloob sa kanya ng tagumpay.
12 Huwag kang maghanap ng kasinungalingan
    na maipaparatang[a] sa iyong mga kaibigan.
13 Huwag kang magsisinungaling kailanman,
    sapagkat walang kabutihang maidudulot ang ugaling iyan.
14 Sa kapulungan ng matatanda, huwag kang madaldal;
    sa iyong pananalangin, huwag kang paulit-ulit ng walang katuturan.

Pahayag 8

Ang Ikapitong Selyo

Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras. Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila.

Dumating(A) ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. Mula sa kamay ng anghel ay tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos,(B) kinuha ng anghel ang sunugan ng insenso, pinuno ito ng apoy mula sa dambana, at inihagis sa lupa. Biglang kumulog, dumagundong, kumidlat at lumindol.

Ang Pitong Trumpeta

At(C) humanda ang pitong anghel na may pitong trumpeta upang hipan ang mga ito.

Hinipan(D) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng batong yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo.

Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat.

10 Hinipan(E) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo, at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. 11 Ang(F) bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito.

12 Hinipan(G) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag.

13 Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!”

Lucas 10:17-24

Bumalik ang Pitumpu't Dalawa

17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa.[a] Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.”

18 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan(A) ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.”

Nagalak si Jesus(B)

21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.[b] Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22 “Ibinigay(C) sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.”

23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”