Book of Common Prayer
Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa tono ng “Isang Tahimik na Kalapati sa Malayong Lugar”. Isang Miktam,[a] nang siya'y dakpin ng mga Filisteo sa Gat.
56 Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan,
lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway;
2 nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw,
O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban.
3 Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila;
sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala.
4 Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos,
tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
5 Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo,
ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako;
6 Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako,
naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko.
7 Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan,
sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay!
8 Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat,
pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat.
9 Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo,
tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko;
pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.”
10 May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan,
pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan.
11 Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos;
sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot.
12 Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos,
ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog.
13 Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan,
iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan.
Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos,
sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot!
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha(B) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[b] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.
57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[c]
4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.
5 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
6 Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[d]
7 Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
8 Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
9 Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Panalangin para Parusahan ng Diyos ang Masasama
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam.[e]
58 Tama ba ang hatol ng mga pinuno?
Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo?
2 Hindi! Pagkat ang inyong binabalangkas
pawang karahasa't gawaing di tama.
3 Iyang masasama sa mula't mula pa,
mula sa pagsilang ay sinungaling na.
4 Sila'y makamandag, ahas ang kaparis,
katulad ay kobrang ang tainga ay may takip;
5 itong mga tawak at salamangkero,
di niya dinirinig, hindi pansin ito.
6 Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon,
alisin ang pangil niyong mga leon.
7 Itapon mo silang katulad ng tubig,
sa daa'y duruging parang mga yagit.
8 Parang mga susô, sa dumi magwakas,
batang di nabuhay sa sangmaliwanag.
9 Puputulin silang hindi nila batid,
itatapon ng Diyos sa tindi ng galit;
bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit.
10 Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap;
pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak.
11 Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan;
tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!”
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
64 O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan,
sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan;
2 ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan,
niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan.
3 Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas,
tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap.
4 Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao,
at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito.
5 Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila,
kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita.
6 At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas,
“Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.”
Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap!
7 Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya,
walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla.
8 Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin,
at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin;
9 yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita
ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa.
10 Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak,
magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag.
Pagpupuri at Pagpapasalamat
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
2 pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
3 Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
4 Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
5 Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
6 Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
7 Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
8 Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
9 Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10 Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!
46 Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. 47 Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. 48 Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. 49 Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami.
50 Bago dumating ang taggutom, nagkaanak si Jose ng dalawang lalaki kay Asenat. 51 Tinawag niyang Manases[a] ang panganay, sapagkat sinabi niya, “Niloob ng Diyos na malimot ko ang aking naging hirap sa bahay ng aking ama.” 52 Efraim[b] naman ang ipinangalan sa pangalawa, sapagkat ang sabi niya, “Pinagkalooban ako ng Diyos ng mga anak sa lupain ng aking paghihirap.”
53 Natapos ang pitong taon ng kasaganaan sa Egipto. 54 At(A) sumunod ang pitong taóng taggutom, tulad ng sinabi ni Jose. Ngunit sa buong Egipto'y may pagkain, samantalang taggutom sa ibang bansa. 55 Nang(B) wala nang makain ang mamamayan, sila'y dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” 56 Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. 57 Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya't ang mga mamamayan nila'y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose.
8 Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. 9 Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! 11 Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. 12 Nagpapakahirap(A) kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. 13 Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo.
14 Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. 15 Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. 16 Kaya't(B) isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako.
17 Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus.[a] Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako.
18 Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. 19 Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. 20 Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. 21 Alin ang gusto ninyo? Dumating ako riyan na may dalang pamalo, o mayroong diwa ng pag-ibig at kahinahunan?
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7 Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8 sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9 Dahil(A) napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(B)
13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol].[a] Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:][b] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.