Book of Common Prayer
Awit ni David.
28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
2 Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.
3 Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
4 Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
5 Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.
6 Ang Panginoon ay purihin!
Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
7 Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.
8 Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
9 Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.
Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.
30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
2 O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
at ako ay pinagaling mo.
3 O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
4 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
5 Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.
6 Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
“Hindi ako matitinag kailanman.”
7 Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.
8 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
at sa Panginoon ay nanawagan ako:
9 “Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”
11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
hinubad mo ang aking damit-sako,
at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.
17 Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari.
18 Kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste[a] at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.
19 Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa Panginoon; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig.
20 At(A) nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Diyos, ‘Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng Panginoon, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang Panginoon, pinabayaan din niya kayo.’”
21 Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon.
22 Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias,[b] sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, “Nawa'y tumingin at maghiganti ang Panginoon!”
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista[a] laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.
2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag.
3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito,
4 samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita.”
5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia.
6 Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya.
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
3 Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
4 Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
5 Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
6 Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
Anong magagawa ng tao sa akin?
7 Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
8 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa tao.
9 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa mga pinuno.
10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(D) (E) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
25 O(F) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.
26 Mapalad(G) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!
59 Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.”
60 Siya'y lumuhod at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.” At pagkasabi niya nito ay namatay[a] siya.
8 Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya.
Pinag-usig ni Saulo ang Iglesya
Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol.
2 Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya.
3 Ngunit(A) winawasak ni Saul ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.
Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita
4 Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita.
5 Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo.
6 Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya.
7 Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling.
8 At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001