Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
2 Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
isang matibay na muog upang ako'y iligtas.
3 Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
4 Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
5 Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.
6 Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
7 Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
8 at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.
9 Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
at ang aking mga buto ay nanghihina.
11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.
14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
na walang pakundangang nagsasalita
laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.
19 O napakasagana ng kabutihan mo,
na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
mula sa palaaway na mga dila.
21 Purihin ang Panginoon,
sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
“Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
nang ako'y dumaing sa iyo.
23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
kayong lahat na umaasa sa Panginoon!
Panalangin para sa Saklolo
35 Makipagtunggali ka, O Panginoon, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin;
lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin.
2 Humawak ka ng kalasag at ng panangga,
at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka!
3 Ihagis mo ang sibat at diyabelin
laban sa mga nagsisihabol sa akin!
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
“Ako'y iyong kaligtasan!”
4 Mapahiya nawa at mawalan ng dangal
sila na umuusig sa aking buhay!
Nawa'y mapaurong at malito sila
na laban sa akin at nagbabalak ng masama!
5 Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin,
na ang anghel ng Panginoon ang nagtataboy sa kanila!
6 Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila,
na ang anghel ng Panginoon ang humahabol sa kanila!
7 Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan,
walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay.
8 Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan!
At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag;
mahulog nawa sila doon upang mapahamak!
9 Kung gayo'y sa Panginoon magagalak ang aking kaluluwa,
na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya.
10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi,
“ Panginoon, sino ang iyong kagaya?
Ikaw na nagliligtas ng mahina
mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya,
ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya?
11 Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan;
tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman.
12 Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan,
ang aking kaluluwa ay namamanglaw.
13 Ngunit ako, nang sila'y may sakit,
ay nagsuot ako ng damit-sako;
dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno,
Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo,
14 ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid,
ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina
na nakayukong nagluluksa.
15 Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa,
sila'y nagtipun-tipon laban sa akin,
mga mambubugbog na hindi ko kilala
ang walang hintong nanlait sa akin.
16 Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista,
kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila.
17 Hanggang kailan ka titingin, O Panginoon?
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagpinsala,
ang aking buhay mula sa mga leon!
18 At ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapulungan;
sa gitna ng napakaraming tao kita'y papupurihan.
19 Huwag(A) nawang magalak sa akin yaong sinungaling kong mga kaaway;
at huwag nawang ikindat ang mata ng mga napopoot sa akin nang walang kadahilanan.
20 Sapagkat sila'y hindi nagsasalita ng kapayapaan,
kundi laban doon sa mga tahimik sa lupain
ay kumakatha sila ng mga salita ng kabulaanan.
21 Kanilang ibinubuka nang maluwang ang bibig nila laban sa akin;
kanilang sinasabi: “Aha, aha,
nakita iyon ng mga mata namin!”
22 Iyong nakita ito, O Panginoon; huwag kang tumahimik,
O Panginoon, huwag kang lumayo sa akin!
23 Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan,
Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban!
24 Ipagtanggol mo ako, O Panginoon, aking Diyos,
ayon sa iyong katuwiran;
at dahil sa akin huwag mo silang hayaang magkatuwaan!
25 Huwag mo silang hayaang magsabi sa sarili nila,
“Aha, iyan ang aming kagustuhan!”
Huwag silang hayaang magsabi, “Aming nalulon na siya.”
26 Mapahiya nawa sila at malitong magkakasama
silang nagagalak sa aking kapahamakan!
Madamitan nawa sila ng kahihiyan at kawalang-dangal
silang laban sa akin ay nagyayabang!
27 Silang nagnanais na ako'y mapawalang-sala
ay sumigaw sa kagalakan at magsaya,
at sa tuwina'y sabihin,
“Dakila ang Panginoon,
na nalulugod sa kapakanan ng kanyang lingkod!”
28 Kung gayo'y isasaysay ng aking dila ang iyong katuwiran
at ang iyong kapurihan sa buong araw.
Si Jeroboam ay Naghimagsik sa Hari
26 Si Jeroboam na anak ni Nebat, isang Efrateo sa Zereda na lingkod ni Solomon, na ang pangalan ng ina ay Zerua, isang babaing balo, ay nagtaas din ng kanyang kamay laban sa hari.
27 Ito ang kadahilanan ng pagtataas niya ng kanyang kamay laban sa hari: itinayo ni Solomon ang Milo at sinarhan ang butas sa lunsod ni David na kanyang ama.
28 Ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalaki at matapang, at nang nakita ni Solomon na masipag ang kabataan, kanyang ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng sapilitang gawain ng sambahayan ni Jose.
29 Nang panahong iyon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, nakasalubong niya sa daan si propeta Ahias na Shilonita. Si Ahias noon ay may suot na bagong kasuotan; at silang dalawa lamang ang tao sa parang.
30 Hinubad ni Ahias ang bagong kasuotan niya, at pinagpunit-punit ng labindalawang piraso.
31 At kanyang sinabi kay Jeroboam, “Kunin mo para sa iyo ang sampung piraso, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo.
32 Ang isang lipi ay mananatili sa kanya alang-alang sa aking lingkod na si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel.
33 Ito ay sapagkat kanilang tinalikuran ako, at sinamba si Astarte na diyosa ng mga Sidonio, si Cemos na diyos ng Moab, at si Malcam na diyos ng mga anak ni Ammon. Sila'y hindi lumakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga batas, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
34 Gayunma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay, kundi gagawin ko siyang pinuno sa lahat ng araw ng kanyang buhay, alang-alang kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagkat kanyang tinupad ang aking mga utos at mga tuntunin.
35 Ngunit aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi.
36 Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailanman sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon.
37 Kukunin kita at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel.
38 Kung iyong diringgin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; sasamahan kita at ipagtatayo kita ng isang panatag na sambahayan, gaya ng aking itinayo para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.
39 Dahil dito'y aking pahihirapan ang binhi ni David, ngunit hindi magpakailanman.’”
40 Pinagsikapan ni Solomon na patayin si Jeroboam, ngunit si Jeroboam ay tumindig, at tumakas patungo sa Ehipto, kay Shishac, na hari ng Ehipto, at tumira sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon.
41 Ngayon, ang iba sa mga gawa ni Solomon, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang karunungan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon?
42 At ang panahon na naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon.
43 At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Babala Laban sa Kapalaluan
13 Halikayo(A) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”
14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.
15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”
16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.
17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.
Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman
5 Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.
2 Ang(B) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.
3 Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.
4 Tingnan(C) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.
5 Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.
6 Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
22 Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’
23 At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon.
24 Siya'y(A) kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa.
25 Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus.
26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.”
27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa.
28 [At(B) natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.]
29 Siya'y(C) nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw,
30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.”
31 Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili.
32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001