Book of Common Prayer
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.
15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.
19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
21 Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,
sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.
22 Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,
sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!
Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]
9 Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
2 Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.
3 Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
4 Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.
5 Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
binura mo silang lahat sa balat ng lupa.
6 Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.
7 Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
8 Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.
9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.
13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.
15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[b] Selah[c])
17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.
19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[d]
Ang Hinihiling ng Diyos
Awit ni David.
15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?
2 Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
3 at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
4 Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.
Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.
32 Idinadalangin ko rin ang dayuhang mula sa malayong lugar at hindi kabilang sa inyong bayang Israel na magsasadya sa Templong ito upang manalangin sapagkat nabalitaan ang inyong dakilang pangalan at kapangyarihan. 33 Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito.
34 “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 35 pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila.
36 “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain, 37 kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama, 38 sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, 39 pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. 40 Pagmasdan ninyo kami, O Diyos, at pakinggan ang mga panalanging iniaalay sa lugar na ito.
41 ‘Sa(A) iyong tahanan, Panginoong Yahweh, pumasok ka kasama ang Kaban,
ang Kaban na sagisag ng inyong kapangyarihan.
Iyong mga pari, hayaang magpahayag ng iyong kaligtasan,
ang mga hinirang sumigaw sa galak!
42 Huwag ninyong itakwil, Panginoong Yahweh, ang pinili ninyong hari.
Alalahanin ninyo ang inyong tapat na pag-ibig kay David na inyong lingkod.’”
Ang Pagtatalaga sa Templo(B)
7 Pagkatapos(C) manalangin ni Solomon, may apoy na bumabâ mula sa langit; tinupok ang mga handog, at ang Templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 2 Hindi makapasok sa Templo ang mga pari sapagkat napuno ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 3 Nasaksihan(D) ng buong Israel nang bumabâ ang apoy at nang ang Templo'y mapuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't nagpatirapa sila, sumamba at nagpasalamat kay Yahweh, at nagsasabing, “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” 4 Pagkatapos, ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog kay Yahweh. 5 Naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng sambayanan ang Templo ng Diyos. 6 Nakatayo ang mga pari sa kani-kanilang lugar, kaharap ang mga Levita na tumutugtog ng mga instrumentong ginawa ni Haring David upang pasalamatan si Yahweh. Ito ang awit nila: “Ang tapat niyang pag-ibig ay walang hanggan.” Hinipan naman ng mga pari ang mga trumpeta habang nakatayo ang buong sambayanan ng Israel.
7 Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inialay ang mga handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil at ang mga tabang handog pangkapayapaan, sapagkat hindi magkasya ang mga ito sa altar na tanso na ipinagawa ni Solomon.
Babala Laban sa Pagtatangi
2 Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. 2 Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” 4 nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.
5 Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? 7 Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?
8 Mabuti(A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat(B) ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.
Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(A)
53 Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya sa kanya. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. 55 Ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. 56 Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo.
57 May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya na nagsasabi, 58 “Narinig(B) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” 59 Ngunit hindi rin nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo tungkol dito.
60 Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” 61 Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?”
62 Sumagot(C) si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.”
63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig(D) ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?”
At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan.
65 At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.