Book of Common Prayer
Pagpupuri sa Diyos na Tagapagligtas
146 Purihin si Yahweh!
Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
2 Pupurihin siya't aking aawitan;
aking aawitan habang ako'y buháy.
3 Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak,
kahit sa kaninong di makapagligtas;
4 kung sila'y mamatay, balik sa alabok,
kahit anong plano nila'y natatapos.
5 Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos,
6 sa(A) Diyos na lumikha niyong kalangitan,
ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.
Ang kanyang pangako ay maaasahan.
7 Panig sa naaapi, kung siya'y humatol,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
8 isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya'y nililingap.
9 Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo't ulila,
ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya.
10 Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh!
Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili!
Purihin si Yahweh!
Pagpupuri sa Diyos na Makapangyarihan
147 Purihin si Yahweh!
O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod.
2 Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
3 At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan.
4 Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin,
isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring.
5 Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas,
taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat.
6 Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas,
ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak.
7 Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin,
purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin.
8 Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag,
itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan,
sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay.
9 Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay,
pinapakain nga niya nagugutom na inakay.
10 Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas,
kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak.
11 Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis,
sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig.
12 Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem!
Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion!
13 Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat,
ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat.
14 Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan,
sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan.
15 Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad,
dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat.
16 Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak,
para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag.
17 Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato,
lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino.
18 Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos,
umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos.
19 Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin,
ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel.
20 Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa,
pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh
111 Purihin si Yahweh!
Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
2 Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
3 lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
katuwiran niya'y hindi magwawakas.
4 Hindi maaalis sa ating gunita,
si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
5 Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
pangako ni Yahweh ay di nasisira.
6 Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
nang ibigay niya lupa ng dayuhan.
7 Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
at maaasahan lahat niyang batas.
8 Ito ay lalagi at di magwawakas,
pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
9 Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(B) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Saksi ni Yahweh ang Israel
8 Sinabi ni Yahweh,
“Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan.
Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita,
may mga tainga ngunit hindi nakakarinig.
9 Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis.
Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari?
Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon?
Bayaan silang magharap ng mga saksi
para patunayan ang kanilang sinasabi
at patunayang sila ay tama.
10 Bayang Israel, ikaw ang saksi ko,
pinili kita upang maging lingkod ko,
upang makilala mo ako at manalig ka sa akin.
Walang ibang Diyos maliban sa akin,
walang nauna at wala ring papalit.
11 Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa;
walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin.
12 Noong una pa man ako'y nagpahayag na.
Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito.
Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos;
kayo ang mga saksi ko.
13 Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman,
walang makakatakas sa aking kapangyarihan;
at walang makakahadlang sa aking ginagawa.”
2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, 3 sapagkat(A) “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
4 Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, 6 sapagkat(B) sinasabi ng kasulatan,
“Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Kaya(C) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon.”
8 At(D)
“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit(E) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(F) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.
Si Jesus ang Daan
14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
6 Sumagot(A) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo,[a] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.