Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 119:145-176

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

(Qof)

145 Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
    ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146 Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
    iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147 Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
    sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148 Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
    at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149 Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
    iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150 Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
    mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151 Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
    ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152 Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
    ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.

Panalangin Upang Maligtas

(Resh)

153 Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
    pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154 Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
    dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155 Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
    dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156 Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
    kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157 Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
    ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158 Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
    yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
159 Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,
    iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.
160 Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,
    ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.

Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh

(Shin)

161 Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
    usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162 Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
    katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163 Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164 Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
    sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165 Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
    matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166 Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
    ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167 Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
    buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168 Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
    ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

(Taw)

169 O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,
    at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
170 Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,
    sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
171 Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
    pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
172 Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit,
    sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
173 Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,
    sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
174 Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,
    natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak.
175 Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,
    matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
176 Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
    hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,
    pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.

Mga Awit 128-130

Ang Bunga ng Pagsunod kay Yahweh

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

128 Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot,
    ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos.

Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan,
    ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay.
Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga,
    at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya.
Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin,
    buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.

Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin,
    at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem;
ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin,
    nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel!

Panalangin Laban sa mga Kaaway ng Israel

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

129 Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway,
    sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan!

“Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan,
    mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay.
Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan,
    mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal.
Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid,
    pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.”

Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion,
    sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong!
Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong,
    natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol,
    di na ito binibigkis at hindi na tinitipon.
Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin,
    “Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin!
    Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!”

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

130 Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin.
Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy,
    dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
    lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
    pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot.

Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon,
    pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa
    sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga.

Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh,
    matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
    lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas(A) ang Israel, bansang kanyang minamahal,
    ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.

Jeremias 25:30-38

30 “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi:

‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan,
    mula sa kanyang banal na tahanan;
dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan,
    at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas.
31 Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan.
Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa,
gayon din ang buong sangkatauhan;
    ang masasama ay kanyang lilipulin.
Ito ang sabi ni Yahweh.’”

32 Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. 33 Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!”

34 Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. 35 Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. 36 Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. 37 Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. 38 Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.

Roma 10:14-21

14 Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? 15 At(A) paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” 16 Ngunit(B) hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” 17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo.

18 Subalit(C) ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat,

“Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.”

19 Ito(D) pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises,

“Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa
    upang kayo'y inggitin,
gagamitin ko ang isang bansang hangal
    upang kayo'y galitin.”

20 Buong(E) tapang namang ipinahayag ni Isaias,

“Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin.
    Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.”

21 Subalit(F) tungkol naman sa Israel ay sinabi niya,

“Buong maghapon akong nanawagan
    sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!”

Juan 10:1-18

Ang Tunay na Pastol

10 “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.

11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. 18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.”