Book of Common Prayer
Ang Pagdating ni Cristo
6 At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoon, na siyang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga lingkod kung ano ang malapit nang mangyari.”
7 “Tingnan mo, ako'y malapit nang dumating! Pinagpala ang nag-iingat ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”
8 Akong si Juan ay nakarinig at nakakita sa mga bagay na ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na siyang nagpakita ng mga bagay na ito sa akin. 9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo lingkod at ng mga kapatid mong propeta, at ng mga sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Sa Diyos ka sumamba!”
10 At sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong takpan ng tatak ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat ang panahon ay malapit na. 11 Hayaang (A) magpakasama pa ang gumagawa ng masama, at ang marumi ay magpakarumi pa, ang matuwid ay magpakatuwid pa, at ang banal ay manatiling banal.”
18 Binabalaan (A) ko ang sinumang nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: sinumang magdagdag sa mga ito, idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito; 19 at sinumang magbawas mula sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, babawasin ng Diyos ang kanyang bahagi sa puno ng buhay at sa banal na lungsod, na nakasulat sa aklat na ito.
20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, malapit na akong dumating.”[a]
Amen. Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Sumapit na ang kabuwanan ni Elizabeth at isinilang niya ang isang lalaki. 58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ng dakilang awa sa kanya ang Panginoon at sila'y nakigalak sa kanya. 59 Pagsapit (A) ng ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Papangalanan sana nila ng Zacarias ang sanggol tulad ng pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi. Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 “Wala kang kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a] 63 Humingi siya ng isang masusulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. 64 Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila. Siya'y nagsimulang magsabi ng pagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng naninirahan sa kanilang paligid, at pinag-usapan ang mga ito sa buong maburol na lupain ng Judea. 66 Lahat ng mga nakarinig nito ay nag-isip, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang kamay ng Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.