Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 119:97-120

Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh

(Mem)

97 O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
    araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98 Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
    kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99 Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
    pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100 Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
    pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101 Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
    ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102 Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
    pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103 O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
    matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104 Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
    kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.

Kaliwanagan mula sa Kautusan ni Yahweh

(Nun)

105 Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
    sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106 Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
    tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107 Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
    sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108 Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
    yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109 Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
    pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110 Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
    ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111 Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
    sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112 Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
    susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.

Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh

(Samek)

113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
    ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
    pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
    ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
    ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
    ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
    kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
    sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.

Mga Awit 81-82

Awit sa Araw ng Kapistahan

Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
Umawit sa saliw ng mga tamburin,
    kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
Hipan(A) ang trumpeta tuwing nagdiriwang,
    kung buwan ay bago't nasa kabilugan.
Pagkat sa Israel, ito'y isang utos,
    batas na ginawa ng Diyos ni Jacob.
Sa mga hinirang, ang utos di'y ito
    nang sila'y ilabas sa bansang Egipto.

Ganito ang wika na aking narinig:
“Mabigat mong dala'y aking inaalis,
    ikaw ay iibsan sa pasan mong labis.
Iniligtas(B) kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag;
    tinugon din kita sa gitna ng kidlat,
    at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah)[b]
Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin,
    sana'y makinig ka, O bansang Israel.
Ang(C) diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
    ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.

11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
    di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
    ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
    sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
    lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
    ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
    at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”

Diyos ang Kataas-taasang Hari

Awit ni Asaf.

82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
    sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
“Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
    tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[c]
Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
    at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!

“Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
    Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
    sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
Ang(D) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
    katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”

O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
    ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!

Joel 2:12-19

Panawagan Upang Magsisi

12 “Gayunman,” sabi ni Yahweh,
    “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
    mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.
13 Magsisi kayo nang taos sa puso,
    at hindi pakitang-tao lamang.”

Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
    Siya'y mahabagin at mapagmahal,
    hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig;
    laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.
14 Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos
    at bigyan kayo ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion!
    Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!
16 Tawagin ninyo ang mga tao
    para sa isang banal na pagtitipon.
    Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata,
    pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
17 Mga(A) pari, tumayo kayo
    sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo,
manangis kayo't manalangin nang ganito:
    “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh!
    Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa
    at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’”

Pinanumbalik ng Diyos ang Kasaganaan sa Lupain

18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
    at naawa siya sa kanyang bayan.
19 Ganito ang kanyang tugon:
“Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis,
    upang kayo'y mabusog.
    Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa.

Pahayag 19:11-21

Ang Nakasakay sa Kabayong Puti

11 Pagkaraan(A) nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. 12 Parang(B) nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at sa kanyang ulo ay mayroong maraming korona. Nakasulat sa kanya ang isang pangalan niya na siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan. 13 Basang-basa(C) sa dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” 14 Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. 15 May(D) matalim na tabak na lumalabas sa kanyang bibig na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

17 Nakita(E) ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya nang malakas at tinawag ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon para

sa malaking handaan ng Diyos! 18 Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!”

19 At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. 20 Nabihag(F) ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. 21 Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay.

Lucas 15:1-10

Ang Nawala at Natagpuang Tupa(A)

15 Isang(B) araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito.

“Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.”

Ang Nawala at Natagpuang Salaping Pilak

“O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ 10 Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.