Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 66-67

Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
    awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
    gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
    Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)

Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
    siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
    ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
    siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
    ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
    ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
    at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
    na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)

16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
    at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
    at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
    ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
    kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.

20 Purihin ang Diyos,
    sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
    ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.

67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
    at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
    ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!

Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
    sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
    at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.

Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
    ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
    matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!

Mga Awit 116-117

116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
    ang aking tinig at aking mga hiling.
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
    kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
    ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
    ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
    “O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”

Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
    oo, ang Diyos namin ay maawain.
Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
    ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
    sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
    ang mga mata ko sa mga luha,
    ang mga paa ko sa pagkatisod;
Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
    sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
    “Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
    “Lahat ng tao ay sinungaling.”

12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
    sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
    ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
    ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
    iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
    sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Bilang Pagpupuri sa Panginoon

117 Purihin(B) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
    Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
    at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!

1 Samuel 2:1-10

Nanalangin si Ana

Si(A) Ana ay nanalangin din at sinabi,

“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
    ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
    sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
“Walang banal na gaya ng Panginoon;
    sapagkat walang iba maliban sa iyo,
    walang batong gaya ng aming Diyos.
Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
    huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
    at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
    ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
    subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
    ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
    siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
    siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
    itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
    at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
    at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
“Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
    ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
    sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
    laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
    bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
    at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”

Tito 2:1-10

Ang Mahusay na Aral

Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral.

Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis.

Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan,

upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak,

maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.

Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip.

Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang,

wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin.

Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot,

10 ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Lucas 1:26-38

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan,[a] sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret,

27 sa(A) isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria.

28 Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[b]

29 Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito.

30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos.

31 At ngayon,(B) maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus.

32 Siya'y(C) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David.

33 Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian.”

34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang[c] lalaki.”

35 At sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos.

36 Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.

37 Sapagkat(D) sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.”

38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001