Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 41

Panalangin ng Isang Maysakit

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
    si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
    sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
    at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
    ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.

Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
    iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
    “Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
    ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
    at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
    ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
    hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
    kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
    ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.

10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
    ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
    sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
    Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.

13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!

    Amen! Amen!

Mga Awit 52

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Mga Awit 44

Panalangin Upang Iligtas

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
    narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
    at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
    samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
    hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
    kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
    oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
    pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
    pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
    upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
    sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
    sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
    hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
    aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
    matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
    sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.

13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
    kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
    sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
    aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16     Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
    ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.

17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
    ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
    at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
    hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
    sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.

20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
    at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
    sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.

23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
    Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
    ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.

25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
    sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
    dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!

1 Samuel 24

Hindi Pinatay ni David si Saul

24 Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gedi. Kaya, kumuha siya ng tatlong libong mahuhusay na kawal mula sa Israel at isinama ang mga ito sa paghahanap kay David sa Kaburulan ng Maiilap na Kambing. Nang(A) mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul. Nang magawâ niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari. Sinabi(B) niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang.” Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis.

Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. Sinabi niya, “Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin? 10 Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh. 11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. 12 Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. 13 Gaya ng kasabihan ng matatanda, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay. 14 Sino(C) ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad! 15 Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay.”

16 Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya'y tumangis. 17 Sinabi pa ni Saul, “Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. 18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay. 19 Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin. 20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan. 21 Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.” 22 Ipinangako naman ito ni David kay Saul.

Pagkatapos nito'y umuwi na si Saul. Sila David naman ay nagbalik sa kanilang pinagtataguan.

Mga Gawa 13:44-52

44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[a] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(A) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
    upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(B) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Marcos 4:1-20

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

Muling(B) nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”

Ang Layunin ng Talinghaga(C)

10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. 11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Nang(D) sa gayon,

‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.
Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos
    at napatawad sila.’”

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(E)

13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila.[a]

16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.

18 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.

20 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.”