Book of Common Prayer
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[a] Isang Maskil[b] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.
88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
2 Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
sa aking pagdaing ako ay tulungan.
3 Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
4 Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
5 Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
6 Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
7 Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[c]
8 Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
9 Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.
10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[d]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?
13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.
Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin
91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
2 ay makakapagsabi kay Yahweh:
“Muog ka't kanlungan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
3 Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
4 Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
5 Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
6 Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.
7 Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,
sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;
di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
8 Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan,
iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan.
9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
Awit ng Papuri sa Diyos
Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.
92 Ang magpasalamat
kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
2 Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
3 Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
4 Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.
5 O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
6 Sa(D) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
7 ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
8 sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.
9 Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.
12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.
Ang Pangitain ni Samuel
3 Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. 2 Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. 3 Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, 4 siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”
“Narito po ako,” sagot niya. 5 Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.
6 Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” 7 Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.
8 Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.”
Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, 9 kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. 10 Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!”
Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”
11 Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito'y mabibigla. 12 Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. 13 Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. 14 Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli.”
15 Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”
“Ano po iyon?” sagot ni Samuel.
17 Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli, “Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.”
19 Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. 20 Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh. 21 Patuloy na nagpapahayag si Yahweh sa Shilo, sapagkat siya'y nangungusap kay Samuel sa Shilo. Dinirinig ng buong Israel ang salitang ipinapahayag ni Samuel.
37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”
38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”
40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”
41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.
Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya
43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[a] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(A) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)
5 May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, 6 “Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)
7 Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?”
8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. 9 Huwag kayong matatakot kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi kaagad darating ang wakas.” 10 At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. 11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakaibang bagay at mga kakila-kilabot na kababalaghan buhat sa langit.
12 “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. 13 Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. 14 Ipagpasya(C) ninyo na huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, 15 sapagkat bibigyan ko kayo ng pananalita at karunungang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. 16 Ipagkakanulo kayo kahit ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. 17 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, 18 ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. 19 Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.”
by