Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 104

Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha

104 Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
    Ikaw, Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
    kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
    ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
    sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
Tagahatid(A) ng balita ay hangin ding sumisimoy,
    at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
    matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
    at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
Ngunit noong magalit ka, itong tubig ay tumakas,
    nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
    natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
    upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.

10 Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
    sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11 Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
    maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12 Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
    mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.

13 Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
    ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14 Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
    nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15     Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
    may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
    at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.

16 Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
    mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17 Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
    mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18 Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
    sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.

19 Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
    araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20 Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
    kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21 Umuungal itong leon, samantalang humahanap
    ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22 Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
    pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23 samantalang itong tao humahayo sa gawain,
    sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
    malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(B) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
    samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.

27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
    umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
    mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
    takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
    mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
    bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
    sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
    ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.

33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
    siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
    pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Ecclesiastico 42:15-25

Ang Kaluwalhatian ng Diyos sa Kalikasan

15 Sasariwain ko naman sa alaala ang mga ginawa ng Panginoon,
    isasalaysay ko ngayon ang aking mga nakita.
Ang lahat ng bagay ay nagmula sa kanyang salita
    kaya't ang sangnilikha ay sumusunod sa kanya.
16 Tulad ng liwanag ng araw na laganap sa lahat ng lugar,
    ang kaluwalhatian ng Panginoon ay umaapaw sa bawat nilikha.
17 Ngunit hindi kaya ninuman—kahit ng mga anghel ng Panginoon,
    na isalaysay na lahat ang kanyang mga kababalaghan.
Kahit na ang mga ito ay binigyan niya ng kapangyarihang
    tumayo sa harap ng di mailarawang kaluwalhatian niya.[a]
18 Nasusukat niya ang walang hanggang kalaliman gayundin ang kaibuturan ng puso ng tao,
    natatalos niya ang kanilang mga lihim.
Sapagkat ang lahat ay nalalaman niya
    at nababasa rin niya ang tanda ng mga panahon.
19 Nasasabi niya ang nakalipas na at ang darating pa,
    at hayag sa kanya ang pinakatagong lihim.
20 Walang kaisipang hindi niya nababatid,
    wala ni isang salita na sa kanya'y nalilingid.
21 Ang lahat ng ginawa ng kanyang karunungan ay iniayos niya nang napakainam;
    mananatili siya magpakailanman.
Hindi siya mababawasan at hindi rin madaragdagan,
    hindi niya kailangan ang payo ninuman.
22 Lahat ng kanyang ginawa ay kahanga-hanga,
    pati ang pinakamaliit na tilamsik ng apoy.
23 Ang lahat ng nilalang ay nabubuhay at nananatili.
    At bawat isa'y tumutugon sa bawat pangangailangan.
24 Ang lahat ng nilalang ay magkakatambal, bawat isa ay mayroong katapat.
    Ngunit walang ginawa ang Panginoon na masasabing kulang.
25 Ang kabutihan ng isa ay nakakapuno sa kabutihan ng iba.
    Sino ang magsasawa ng paghanga sa kanyang karilagan?

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(A) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.

20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.