Book of Common Prayer
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.
12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
pagkat araw nila lahat ay bilang na.
14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
upang ang mahirap dustai't patayin,
at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
pawang mawawasak pana nilang taglay.
16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
ngunit ang matuwid ay kakalingain.
18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
para silang usok na paiilanlang.
21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.
23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
at di na aalis sa lupang pamana.
30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35 Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat sa Pader
13 Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. 14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. 15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”
17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.
18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. 21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.
22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. 23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. 24 Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.
25 “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin.[a] 26 Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. 27 ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. 28 ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”[b]
29 Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. 30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia.
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. 14 May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. 15 At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. 17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.
18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.
19 Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
20 At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.
Ang Pagtawag ni Jesus sa Unang Apat na Alagad(A)
5 Minsan,(B) habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. 2 May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. 3 Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.
4 Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”
5 Sumagot(C) si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” 6 Ganoon(D) nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. 7 Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. 8 Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.”
9 Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, 10 gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.”
11 Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
by