Book of Common Prayer
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
doon tayo'y naupo at umiyak;
nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
“Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
at sa malaking bato sila'y sasalpok.
Awit ni David.
144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
2 ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
3 Panginoon,(A) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
4 Ang tao ay katulad ng hininga,
gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
5 Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
6 Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
7 Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
mula sa kamay ng mga dayuhan,
8 na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
at mga sampung libo sa aming mga parang;
14 ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
2 Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
dahil sa kaaway kong malupit?
3 O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
at sa iyong tirahan!
4 Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
O Diyos, aking Diyos.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
27 “Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking hahasikan ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop.
28 At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang bunutin, at upang wasakin, upang ibagsak, upang lipulin at dalhan ng kasamaan, gayon ko sila babantayan upang magtayo at magtanim, sabi ng Panginoon.
29 Sa(A) mga araw na iyon ay hindi na nila sasabihin:
‘Ang mga magulang ay kumain ng maaasim na ubas,
at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo.’
30 Ngunit bawat isa ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasamaan; bawat taong kumakain ng maaasim na ubas ay mangingilo ang ngipin.
31 Narito,(B) (C) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda,
32 hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto—ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa[a] sa kanila, sabi ng Panginoon.
33 Ngunit(D) ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan.
34 At(E) hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, ‘Kilalanin mo ang Panginoon;’ sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa,” sabi ng Panginoon.
Nahahabag ang Diyos sa Lahat
25 Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil.
26 Sa(A) ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat,
“Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas;
ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob.”
27 “At(B) ito ang aking tipan sa kanila,
kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan.”
28 Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno.
29 Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago.
30 Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway,
31 gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag.
32 Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat.
Papuri sa Diyos
33 O(C) ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!
34 “Sapagkat(D) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
O sino ang kanyang naging tagapayo?”
35 “O(E) sino ang nakapagbigay na sa kanya,
at siya'y mababayaran?”
36 Sapagkat(F) mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Umiyak si Jesus
28 Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.”
29 Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya.
30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)
31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.
32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[a] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”
33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,
34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”
35 Umiyak si Jesus.
36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”
37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”
Binuhay si Lazaro
38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.
39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”
40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”
41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.
42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”
43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”
44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”
37 Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya;
38 upang(A) matupad ang sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?
At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 “Binulag(B) niya ang kanilang mga mata,
at pinatigas niya ang kanilang mga puso;
upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata,
at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob,
at sila'y pagalingin ko.”
41 Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya.
42 Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga,
43 sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos.
Paghatol sa Pamamagitan ng mga Salita ni Jesus
44 Si Jesus ay sumigaw at nagsabi, “Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin.
45 At ang nakakita sa akin ay nakakita doon sa nagsugo sa akin.
46 Ako'y naparito na isang ilaw sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.
47 Kung ang sinuman ay nakikinig sa aking mga salita, at hindi tumutupad ng mga iyon ay hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan.
48 Ang nagtatakuwil sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita ay mayroong isang humahatol sa kanya. Ang salitang aking sinabi ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw.
49 Sapagkat ako'y hindi nagsasalita mula sa aking sarili kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong bigkasin.
50 Nalalaman ko na ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya't ang mga bagay na sinasabi ko ay aking sinasabi ayon sa sinabi ng Ama.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001